Mariing pinabulaanan ni Vice President Sara Duterte ang akusasyon ni Ramil Madriaga, na nagpakilalang dating aide at “bagman,” na humingi siya ng tulong upang makapasa sa law school.
Sa isang opisyal na pahayag ngayong Miyerkules, Abril 15, sinabi ng bise presidente na ang nasabing claim ay isa lamang sa mga “kasinungalingan” na nagmumula sa isang taong desperado, na kasalukuyang nakakulong dahil sa kasong kidnapping.
Iginiit ng Pangalawang Pangulo na natapos niya ang kanyang pag-aaral ng batas sa sariling sikap at hindi siya nangailangan ng tulong ng ibang tao para sa kanyang mga grado, dahil ang minimum requirements sa law school ay madali naman umanong maabot.
*****
Nagpapatuloy sa kanilang imbestigasyon ang Internal Affairs Service ng Philippine National Police matapos ang naganap na hazing incident sa loob ng Philippine National Police Academy nito lamang Abril 3.
Ayon kay Inspector General Atty. Brigido Dulay, layunin ng imbestigasyon na matukoy ang dahilan kung bakit na-delay ng halos apat na araw ang paguulat tungkol sa insidente.
Kasunod nito ay kinumpirma rin ni Dulay ang pagsilip sa posibilidad ng mga naging pagkukulang o cover up ng mga commanders sa nangyaring pangaabuso sa loob ng akademiya.
Ani pa ni Dulay, kapag mapatunayan sa imbestigasyon na may mga naging pagkakamali ang mga sangkot na pulis, nakatakda silang sampahan ng mga administratibong kaso.
**
Inaprubahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang temporary relief para sa financial institutions at kanilang customers sa gitna ng krisis sa langis bunsod ng tensiyon sa Middle East, na nakaapekto sa ekonomiya.
Kaugnay nito, ang mga bangko ay maaaring magbigay ng grace period na anim na buwan o higit pa, at ang mga agricultural loan ay maaaring ipagpaliban ng hanggang isang taon.
Ang mga pautang naman ay maaaring hindi isama sa klasipikasyon bilang past-due o non-performing o hindi nagbabayad, sa loob ng hanggang isang taon, depende sa mga panuntunan sa pag-uulat ng BSP, lalo na para sa mga apektadong nangungutang.