Ligtas na nakalabas ng Strait of Hormuz ang dalawang barkong may lulan na 36 na marinong Pilipino, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Sa isang social media post, sinabi ng DMW na pansamantalang na-stuck sa Persian Gulf ang mga barkong Omicron Nikos at Nord sa gitna ng tensyon sa Middle East.
Ayon sa ahensya, nasa ilalim ng Russian at Liberian flag ang mga naturang vessel.
Sa kabuuan, nasa 1,200 ang mga marinong Pilipino na nasa mga barkong nasa Strait of Hormuz.
Patuloy namang mino-monitor ng DMW ang galaw ng mga barko sa rehiyon at nakikipag-ugnayan sa mga manning agency at shipowner upang matiyak ang kaligtasan ng mga marino.
Tiniyak din ng ahensya na bukas ang kanilang komunikasyon para sa mga apektadong marino at kanilang pamilya. (Angelika Cabral)
---
Maglalabas ang United States ng limitadong commemorative passport para sa ika-250 anibersaryo ng bansa sa Hulyo.
Ayon sa State Department, lalagyan ito ng larawan ni President Donald Trump na magiging kauna-unahang pangulo na tampok sa U.S. passport.
Maglalagay din ng maliit na gold na watawat ng Amerika na may numerong “250” sa likod ng passport.
Tinatayang 25,000 hanggang 30,000 piraso ang ilalabas at magiging available ito sa Washington, D.C. bago sumapit ang July 4.
Mananatili ang seguridad ng passport pero magkakaroon ito ng espesyal na disenyo, kabilang ang gold na detalye at pirma ni Trump.
Ang mga mag-a-apply sa Washington ang unang makakakuha nito habang maaari pa ring kumuha ng regular na passport sa ibang lugar o online.
Ayon kay State Department spokesperson Tommy Pigott, layunin ng espesyal na passport na gunitain ang makasaysayang anibersaryo ng bansa habang pinapanatili ang mataas na antas ng seguridad ng dokumento.
---
Bumagsak sa all-time record ang halaga ng Philippine peso laban sa US dollar nitong Martes, Abril 28.
Nagsara ang palitan sa P61.30 bawat isang US dollar, mas mababa ng 59 sentimo nang magsara ang palitan noong Lunes sa P60.71.
Nagbukas ang palitan nitong Martes sa P60.80 bawat isang US dollar at lumagpas na sa P61 sa intraday trading.
Ayon sa ilang analyst, nakaapekto sa halaga ng piso kontra dolyar ang nakabitin na negosasyon ng Estados Unidos at Iran at ang patuloy na pagsasara ng Strait of Hormuz kaya nakaapekto sa supply ng krudo at liquefied natural gas.
Nakadagdag din sa problema ang tumaas na demand ng mga importer sa US dollar.