Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer na obligadong ibigay ang 13th-month pay sa kanilang mga empleyado ng hindi lalampas sa Disyembre 24.
Ayon kay DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, walang exemption sa pagbibigay ng benepisyong ito dahil itinuturing itong statutory right ng mga manggagawa at mahalaga sa para sa pangtustos ng pangangailangan ng mga pamilya ngayong holiday season.
Saklaw ng 13th-month pay ang lahat ng rank-and-file employees sa private sector, anuman ang kanilang posisyon, employment status, o paraan ng pagpapasahod, basta’t nakapagtrabaho sila ng hindi bababa sa isang buwan ngayong taon. Kabilang dito ang piece-rate workers, empleyadong may fixed wage plus commissions, workers with multiple employers, dating nag-resign o natanggal, at mga nag-maternity leave na may salary differential.
Ang minimum na 13th-month pay ay katumbas ng one-twelfth (1/12) ng kabuuang basic salary na kinita ng isang manggagawa sa loob ng taon.
Pinaalalahanan din ng DOLE ang mga employer na magsumite ng kanilang compliance report sa DOLE Online Compliance Portal hanggang Enero 15, 2026, na naglalaman ng impormasyon tungkol sa kompanya, bilang ng empleyado, listahan ng benepisyaryo, at halaga ng natanggap na benepisyo.
-----------
Nagpalabas ng Manifesto of Unwavering Support and Solidarity para sa Pangulo at Commander-in-Chief ang grupo ng mga retired at active officers ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at Bureau of Fire Protection (BFP).
Sa kanilang memo, kinondena ng Association of General and Flag Officers (AGFO) ang anila’y “political noise and agitations” na nananawagan sa militar na kumalas ng suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Iginiit ng AGFO ang prinsipyo ng ‘civilian supremacy’ na nangingibabaw sa AFP at ang Article XVI, Section V ng Saligang Batas na may mandato na ang militar ay hindi dapat makisawsaw sa pulitika.
“We strongly condemn and reject any call for the AFP to engage in unconstitutional acts or military adventurism,” ayon sa kanilang pahayag.
Ipinaabot din ng AGFO ang kanilang buong tiwala sa pamunuan ng AFP.
“We express our absolute vote of confidence in the AFP leadership. We commend their steadfast refusal to be swayed by partisan interests and their firm resolve to keep the AFP united, professional, and loyal to the Constitution,” dagdag pa nila.
Pinirmahan ang manifesto ni Retired MGen. Gerardo Layug, AGFO president at chairman ng board, kasama ang iba pang opisyal, trustees, at 75 miyembro ng samahan.
Kaugnay nito, pinapurihan ng AFP ang deklarasyon ng AGFO na tahasang tumututol sa mga panawagan ng destabilisasyon laban kay PBBM.
Sinabi ng AFP na ang mensahe ng AGFO ay itinuturing nilang makapangyarihang paalala na ang pagkakaisa ng mga dati at kasalukuyang miyembro ng militar ay isa sa pinakamalalakas na sandigan ng organisasyon.
------------
Inaasahang makababalik na sa normal na ope¬rasyon ang biyahe ng mga apektadong airbus jets sa bansa matapos ang matinding mga pagkaantala at kanselasyon noong Sabado na nagpahirap sa libo-libong pasahero.
Inihayag ito ng Department of Transportation (DOTr) matapos ang malawakang pagkadiskaril ng mga flight na nakaapekto sa may 15,000 pasahero noong Nobyembre 29.
Sa statement, sinabi ni DOTr Secretary Giovanni Lopez na naging maagap ang pag-aksiyon ng mga apektadong airline company sa bansa sa kanilang libo-libong pasaherong naapektuhan.
Agad umanong inasistehan ang mga pasahero sa opsyon na rebooking, full refunds at flight e-vouchers.
“Ang bilin sa atin ng Pangulo dapat matiyak na ligtas ang ating mga pasahero at mabigyan sila ng mga kailangan gaya ng makakain at maiinom habang naghihintay ng flights. Kaya nagpapasala¬mat tayo sa mga airline dahil nagtulong-tulong sila para sa mga apektadong pasahero,” ani Lopez.
Kaugnay nito, nag-abiso na rin ang Philippine Airlines at Cebu Pacific na nakumpleto na nila ang kinakailangang upgrade sa kanilang mga airbus jet.