Binuksan ng Department of Agriculture (DA) ang bagong Kadiwa ng Pangulo center sa Clark Freeport upang maibenta ang bigas sa halagang P20 kada kilo sa minimum-wage workers.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., makatutulong ito sa abot-kayang pagkain para sa 151,000 empleyado ng Clark, kung saan kalahati rito ay mga minimum-wage earners.
Pinasisimulan na rin ng DA ang pagpapalawak ng Benteng Bigas Masterlist Registry System, na may 35,014 na benepisyaryo, bilang paghahanda sa target na 15 milyong sambahayan ang makakapag-avail sa 2026.
Simula Marso, QR code na ang gagamitin ng mga mamimili. Magiging bukas ang registration hanggang Pebrero 2026.
Halos P23 billion naman ang ilalaan ng DA sa 2026 upang mapanatili ang programang P20 na bigas, na nakatuon sa pagbili ng bigas mula sa lokal na magsasaka.
Batay sa ahensya nang ilunsad ang programa noong Mayo ng taong ito umabot na sa 423 sites sa 81 probinsiya ang naturang programa.
-------
Hindi magpapaapekto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng mga nananawagan na magbitiw siya sa puwesto, ayon kay Communications Secretary Dave Gomez.
Ginawa ni Gomez ang pahayag kasabay ng libu-libong nagpoprotesta kahapon, Nobyembre 30, na humihiling na panagutin ang mga sangkot sa korapsiyon sa flood control projects.
Sinabi ni Gomez sa panayam ng ANC na tatapusin ng Pangulo ang mga trabaho na sinimulan niya.
Ipinaalala pa ni Gomez na mismong ang Pangulo ang nagbunyag ng mga anomalya sa flood control projects sa kanyang “mahiya naman kayo SONA”.
Matatandaan na ipinakita rin ng Pangulo sa ginawang inspeksiyon ang mga palpak na proyekto sa Bulacan.
Sinabi rin ni Gomez na sinusubaybayan ng administrasyon ang mga demonstrasyon at iginagalang ng gobyerno ang karapatan ng mga mamamayan na mapayapang magtipon at magpahayag ng galit.
Pero ipinunto rin ni Gomez ang kahalagahan sa pagsunod sa due process.
“We feel you, we hear you and we will not disappoint you. Tandaan lang natin, kailangan nating tingnan ang due process sa lahat ng ito,” ani Gomez.
Aniya, bago mag-Pasko mas marami pa ang makukulong kasama na diyan yung mga tinatawag na “big fish”.
------
Posibleng magdulot ng pandemya na mas malala pa sa COVID-19 ang bird flu kung kakalat ito at maipapasa sa pagitan ng mga tao.
Ayon kay Marie-Anne Rameix-Welti, medical director ng institute Pasteur na isang respiratory infections centre sa France, bagama’t bihira pa rin ang human infection, nagdulot na ang H5 avian influenza ng pagkatay sa daan-daang milyong ibon at ilang kaso sa mga mammal.
Wala rin aniyang antibodies ang mga tao laban sa H5 tulad nang wala rin noon laban sa COVID-19.
Kamakailan, naitala ang unang kaso ng H5N5 sa US kung saan namatay ang pasyente. Mula 2003 hanggang 2025, halos 1,000 human outbreak ng bird flu ang naitala ng WHO at namatay ang 48% dito.
Ayon kay Rameix-Welti, mas handa na ang mundo ngayon kumpara bago ang COVID-19 dahil may mga vaccine candidate na, mabilisang vaccine manufacturing capability at stock ng antivirals laban sa avian influenza.