Skip to content

December 11 - 7 am NEWS

December 11 - 7 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Dec 11, 2025 | 9:45 AM

Naniniwala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na walang panganib sa kaligtasan ng government contractor na si Sarah Discaya sa gitna ng nagpapatuloy na imbestigasyon kaugnay sa maanomaliyang flood control projects.
Nauna na kasing nagpahayag ng pagkabahala para sa kaniyang kaligtasan si Sarah Discaya sa isang panayam sa kaniya kung kayat nagpasya siyang magpasailalim sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) at itinangging sumuko siya.
Ipinaliwanag din ng kaniyang abogado na isang strategic legal move ang naging hakbang ng kaniyang kliyente at hindi pag-amin ng anumang kasalanan.
Ayon kay Secretary Remulla, nakausap niya si Department of Justice Acting Secretary Frederrick Vida may kaugnayan sa kaso ni Discaya at hindi umano sila naniniwalang mayroong panganib para kay Discaya.

***
Itinanggi ng Bureau of Corrections (BuCor) na nakakatanggap ng special treatment si dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo.
Sa kasalukuyan, ang tinanggal na alkalde ay nasa Correctional Institution for Women (CIW), isang pasilidad na nasa ilalim ng BuCor.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr. kasalukuyang sumasailalim sa mandatory five-day quarantine period si Alice kasunod ng kaniyang pagkakalipat mula sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Ayon sa retiradong heneral, lahat ng mga persons deprived of liberty (PDL) ay sumasailalim sa parehong regulasyon at restriction, anuman ang kanilang katayuan sa buhay.
Pinapayagan din aniya ang abogado ng dating alkalde na makabisita sa kaniya, salig sa health and security protocols na sinusunod ng kawanihan.
Pinabulaanan din ng BuCor na nabibigyan ng pagkakataon ang dating alkalde na magamit ang kaniyang cellphone habang siya ay nasa loob ng kulungan.

**
Aminado ang Department of Justice na kanilang hindi pa naihahain ang mga kaso laban kay Charlie ‘Atong’ Ang at iba pa sa korte kaugnay sa pagkawala ng mga sabungero.
Ayon kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, kanyang nilinaw na plano pa lamang itong isampa bilang kaso matapos ang paglabas ng resolusyon.
Aniya’y kasalukuyang pang isinasapinal o inaayos ang mga impormasyon at dokumento bago ang pormal na paghahain ng mga kaso sa kaukulang korte.
Posible raw itong maisakatuparan sa susunod na linggo at maisampa sa magkakahiwalay na korte ng Batangas, Laguna at Paranaque.
Subalit, kanyang sinabi na hihilingin naman sa Office of the Court Administrator upang pag-isahin o ang consolidation ng mga kaso.

***
Pinamamadali na ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Raphael Lotilla ang pagbuo ng National Flood Master Plan.
Ang master plan ang nakikitang mabisang tugon para sa taunang mga pagbaha na nararanasan sa halos lahat ng bahagi ng bansa.
Ayon kay Sec. Lotilla, natapos na ang draft ng plano noong Agosto 2025 kung saan nakapaloob ang mga istratehiya ng iba’t ibang ahensya para sa mas epektibong flood management.
Target ng ahensiya na maisama ng mga local government unit (LGU) ang geohazard maps sa kanilang mga plano.
Ito ay upang maiwasan ang pagtatayo ng mga proyekto sa mga natukoy na critical areas, flood-prone, at landslide-prone areas na tiyak na magdulot lamang ng panganib sa mga residente.
Mahalaga aniya ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan dahil sila ang may saklaw sa land use planning at zoning operations sa mga barangay o komunidad.