Skip to content

December 12 - 7 am NEWS

December 12 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Dec 12, 2025 | 7:30 AM

Nasa 34 katao ang nasawi at marami ang nasugatan sa naganap na airstrikes ng Myanmar military at tumama sa pagamutan. Matatagpuan ang ospital sa bayan ng Mrauk-Usa Rakhine state na kontrolado ng Arakan Army na isa sa mga pinakamalakas na ethnic armies na lumalaban sa military ng bansa.

Ilang libong katao na ang nasawi at milyon ang lumikas mula ng makontrol ng military ang kapangyarihan dahil sa coup noong 2021 na nagdulot ng civil war. Tikom naman ang bibig ng Myanmar military sa nangyaring airstrikes.

-----

Nagsagawa ang Chinese at Russian bombers ng kauna-unahang joint flight malapit sa Shikoku Region sa Western Japan.  Kinumpirma ito ng Joint Staff Office ng Defense of Ministry ng Japan.

Ayon kay Chief Cabinet Secretary Minoru Kihara, isang coercive action ang ginawa ng Chinese at Russian bombers laban sa Japan. Nagpahayag din ang Japanese government ng labis na pagaalala para sa kanilang national security sa China at Russia.

Noong araw ng Martes, magkasamang lumipad ang dalawang Russian Tu-95 bombers mula sa Sea of Japan at dalawang Chinese H-6 bombers na nagtagpo sa may East China Sea saka dumaan sa pagitan ng main at Miyakojima islands ng southernmost Japan prefecture ng Okinawa.

Nag-iba ng direction ang naturang bomber planes sa may Pacific Ocean malapit sa Shikoku para bumalik sa East China Sea. Sa kasagsagan ng joint flight, sinamahan ang mga ito ng Chinese J-16 fighters.

Namataan din ang Su-30 fighters at A-50 early warning plane ng Russia sa Sea of Japan.

Bilang tugon, ipinakalat ang Japan Air Self-Defense Force fighter jets, bagamat ayon sa ministry officials hindi pinasok ng Chinse at Russia aircraft ang airspace ng Japan.

-----

Inilunsad na ni US President Donald Trump ang $1 million gold card immigration visas para sa mayayamang dayuhan.

Magbibigay daan ang naturang gold card sa mga buyer ng “direct path” para sa Citizenship ng lahat ng kwalipikado at nasuring maigi na mga indibidwal, ayon sa US President.

Unang inanunsiyo ang Trump Gold Card sa unang bahagi ng taong ito. Base sa official website ng naturang immigration visa, ang gold card ay isang US visa na iginagawad sa mga nagpapakitang may kakayahang magbigay ng “substantial benefit” sa Amerika.

Para makakuha ng Trump gold card, magtungo lamang sa website ng Trump Gold Card. Nakasaad sa website ang proseso kung saan kailangang magsumite ng aplikasyon at may non-refundable processing fee sa Department of Homeland Security (DHS) na $15,000. Pagkatapos mag-apply, susuriin maigi ng US Citizenship and Immigration Services ang background ng aplikane at sa oras na maaprubahan, kailangang magbigay ng contribution na $1 million at maaari nang maging available ang Trump Gold Card para magamit sa lahat ng 50 estado at territories ng Amerika at makakatanggap ng US residency sa “record time.”


Ang paglulunsad ng gold card ay sa gitna ng pagpapaigiting pa ng US sa kanilang immigration crackdown kabilang ang umento sa work visa fees at pagpapadeport sa mga hindi dokumentadong migrante.