Skip to content

December 17 - 7 am NEWS

December 17 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Dec 17, 2025 | 9:52 AM

Agaw-pansin ang video ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na kasama ang kaniyang abogado na si Atty. Israelito Torreon sa isang tila mall.

Kapansin-pansin ang kaswal na pananamit ng senador na naka-shorts at t-shirt lamang, na malayo sa kanyang karaniwang pormal na bihis bilang mambabatas.

Hindi pa tukoy kung saan at kailan kinunan ang nasabing footage, na umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa publiko.

May nagpa-abot ng suporta, habang may bumatikos din at naghamon na lumantad ang mambabatas.


Si Atty. Torreon ang legal counsel ni Dela Rosa kaugnay ng mga isyung may kinalaman sa umano’y arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) ni Dela Rosa.

Kamakailan, lumutang ang balita na posibleng target ito ng ICC dahil sa kaniyang papel sa war on drugs ng administrasyong Duterte.

Dahil dito, pansamantalang hindi dumadalo si Dela Rosa sa mga sesyon ng Senado bilang pag-iingat.

Ayon sa kaniyang kampo, wala pang pormal na warrant mula sa ICC at patuloy ang legal na pag-aaral sa isyu.

-----

Nanawagan ang National Tobacco Administration (NTA) sa lahat ng mga researcher at technical experts nito na lalo pang pag-ibayuhin ang kanilang mga pagsisikap at dedikasyon sa pagbuo at paglikha ng mga teknolohiyang episyente sa gastos ngunit may mataas na kalidad pagdating sa produksyon ng tabako.

Ang pangunahing layunin ng panawagang ito ay upang matiyak at mapanatili ang pandaigdigang kakayahan sa pakikipagkumpitensya ng tabako na lokal na itinatanim at ipoprodyus sa ating bansa.

Sa isinagawang tatlong araw na Project Technical Review and Tobacco Production Technology Updating Workshop, na dinaluhan ng iba’t ibang eksperto at stakeholder sa industriya ng tabako, binigyang-diin ni NTA Administrator Belinda Sanchez ang kritikal na pangangailangan ng tuluy-tuloy na innovation at masusing research upang epektibong masuportahan ang ating mga tobacco farmers sa buong bansa.

Sa kanyang talumpati, pinuri ni Administrator Sanchez si Deputy Administrator for Operations Nestor Casela at ang kanyang dedikadong research team para sa kanilang walang humpay na pagpapatuloy ng mga inisyatiba sa pananaliksik at pagpapaunlad ng NTA.


Dagdag pa rito, hinikayat ni Administrator Sanchez ang lahat ng mga kalahok sa workshop na gamitin ang pagkakataong ito upang patatagin pa ang field operations ng ahensya.

Ito ay sa pamamagitan ng pagpapalitan ng kaalaman, pagbabahagi ng mga best practices, at pagtutulungan upang mas mapabuti ang serbisyo sa ating mga tobacco farmers at sa buong industriya.

-----

Inaasahang lalabas na ang warrant of arrest laban sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang ngayong linggo, ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla.

Sa panayam sa programang “The Spokes” ng Bilyonaryo News -Channel, sinabi ni Remulla na magi¬ging abala ang mga awtoridad bago magpasko dahil inaasahan ang pag-aresto kay Ang at sa mahigit 30 iba pa.

“It’s gonna be a busy 10 days before Christmas. One we’re anticipating an Atong Ang arrest… we’re gonna arrest him and 31 others,” pahayag ni Remulla.

Dagdag pa niya, posible umanong luma¬bas ang warrant anumang oras.

“I think in the next three days, we’re gonna get one warrant. We expect an arrest warrant for him any day now.”

Ayon pa sa DILG secretary, may “very solid” umanong ebidensiya ang gobyerno laban kay Ang.

Itinuturing din daw itong “armed and dangerous” kaya magiging iba ang paraan ng pag-aresto rito.

“The method of arresting him will be very different… we have to have that mindset the he is armed and dangerous because their record shows that they killed over a hundred of people eh,” ani Remulla.

Si Ang ay iniugnay sa mga nawawalang sabungero ni Julie “Dondon” Patidongan, dating chief of security sa farm at mga sabungan ni Ang.

Ayon kay Patidongan, patay na umano ang lahat ng nawawalang sabungero at itinapon sa Taal Lake sa Batangas.

Mariin nang itinanggi ni Ang ang mga paratang ni Patidongan at kinasuhan pa ito sa Mandaluyong Prosecutor’s Office ng robbery-extortion, grave threats, grave coercion, slander, at incriminating an innocent person pero binasura ito ng prosecutor dahil sa kawalan ng ebidensiya. (Issa Santiago)