Skip to content

December 29 - 6 am NEWS

December 29 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Dec 29, 2025 | 6:30 AM
Umapela ang Automobile Association of the Philippines o AAP sa gobyerno na gawing mandatory ang dash-mounted cameras sa mga sasakyan. Ayon kay AAP president Augustus Ferreria, makakatulong ito para mas madaling ma-review ng mga awtoridad ang footage kung sakaling may road rage o aksidente sa kalsada.
Aniya, sa ibang bansa, mandatory na ang dashcam at kapag may sigalot, ire-review lang ang footage para malaman kung sino ang may kasalanan. Dagdag pa ni Ferreria, makakatulong ito na kahit hindi gumastos ang gobyerno, ma-require lang sa mga motorista ang pagkakaroon ng dashcam.
Bukod dito, iminungkahi rin niya na isama sa curriculum ng driving schools ang “psychological framework” ng isang tao upang mas mapabuti ang disiplina sa kalsada.
***
Nagpaalala ang Department of Trade and Industry o DTI sa publiko na bumili at gumamit lamang ng sertipikadong fireworks para sa ligtas na Bagong Taon 2026. Dapat tiyakin na may Philippine Standard Quality Mark mula sa DTI-Bureau of Philippine Standards (BPS) at alamin ang manufacturer ng paputok.
Binigyang-diin din ng DTI ang tamang paggamit ng fireworks: basahin at sundin ang instructions, huwag gamitin ang mga paputok kung may duda sa kaligtasan, huwag pulutin ang hindi sumabog, at huwag ipanakot sa ibang tao.
Para sa karagdagang kaligtasan, panatilihing nakasara ang pinto at bintana, gumamit ng long stick sa pagsindi, magsuot ng cotton o denim clothing, sapatos, at protective goggles o salamin.