Naghain si Senador Risa Hontiveros at ang Akbayan Party-list ng mga panukala sa Kongreso na naglalayong amyendahan ang Party-List System Act upang pigilan ang umano’y pang-aabuso rito ng mga political dynasty at mga indibidwal na may interes sa government contracts.
Inihain ni Hontiveros ang Senate Bill No. 1656, na magbabawal sa mga miyembro ng political dynasties na makilahok sa party-list system at naglalayong ipagbawal ang mga party-list nominee at kinatawan na may direktang interes sa mga kontrata ng pamahalaan.
***
Nakatakdang paimbestigahan sa Senado ni Senator Imee Marcos ang mga landfill company kung sumusunod ba sa Ecological Solid Waste Management Act of 2000 kasunod ng mapaminsalang pagguho ng Binaliw Sanitary Landfill sa Cebu City.
Sa Resolusyong inihain ng Senadora nitong Lunes, Enero 12, sisiyatin at tukuyin nito kung ang mga landfill ay sumusunod sa Republic Act No. 9003, o ang Ecological Solid Waste Management Act, pati na rin sa iba pang regulasyon ukol sa operasyon at kaligtasan ng mga sanitary landfill.
Noong Enero 9, matatandaan nalibing ng buhay sa mga toneladang basura ang mga sanitation worker, na ikinamatay ng hindi bababa sa walong (8) katao at nag-iwan ng dose-dosenang iba pang nawawala.
**
Maaaring mabuo ang isang low pressure area o LPA sa timog-silangan ng Mindanao ngayong Lunes, Enero 12 at pumasok sa Philippine Area of Responsibility bukas, Enero 13.
Posible itong lumakas bilang tropical depression sa Huwebes, Enero 15 at tatawaging “Ada.”
Inaasahang mananatili ito sa silangan ng Eastern Visayas hanggang Biyernes. Pagsapit ng weekend, maaari itong manatili sa silangan ng Bicol o tumawid sa Southern Luzon, bago kumurba pa-hilagang-silangan sa Central Luzon habang nakikipag-interact sa Shear Line.