Skip to content

January 12 - 7 am NEWS

January 12 - 7 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Jan 12, 2026 | 8:45 AM

Ipinag-utos ng pamahalaang lungsod ng Ormoc ang pagsasara ng Ormoc Maternity and Children’s Hospital matapos umanong lumabag ang pamunuan nito sa ilang probisyon ng memorandum of agreement (MOA) sa lokal na pamahalaan, ayon kay Mayor Lucy Torres Gomez nitong Lunes.
Ayon sa alkalde, nabigong tuparin ng ospital ang pangunahing obligasyon nito sa ilalim ng kasunduan na magsilbi bilang civic at charitable institution na nagbibigay ng serbisyong medikal sa mga mahihirap na ina at bata sa lungsod.
Batay kasi sa MOA, pinayagan ang ospital na umupa ng lupang pagmamay-ari ng lungsod sa halagang P1,000 lamang kada buwan, kapalit ng pagbibigay ng libre o subsidized na serbisyong medikal sa mga indigent na residente ng Ormoc.
Ngunit naging personal business na lamang umano ang nasabing ospital at tila nakalimutan na ang responsibilidad sa komunidad sakabila ng mababang upa ng lupang kinatatayuan ng naturang ospital.


***

Nagbabala si Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte sa kaniyang mga kasamahang mambabatas sa House of Representatives laban sa pagsuporta sa posibleng panibagong impeachment complaint laban sa kaniyang kapatid na si Vice President Sara Duterte, na inaasahang ihahain sa Pebrero 2026.
Ayon sa kongresista, ang pagsulong sa impeachment ay kagustuhan lamang umano ng iilang may kontrol sa pondo at impluwensiya, at hindi tunay na boses ng taumbayan.
Binigyang-diin niya na sa isang representative democracy, ang desisyon ng mga mambabatas ay dapat nakabatay sa paninindigan ng kanilang mga nasasakupan at hindi sa pulitika at patronage.
Samantala, sinabi ni Cavite Rep. Kiko Barzaga na hindi siya mag-eendorso ng anumang impeachment complaint, bagamat sang-ayon siyang dapat imbestigahan ang paggamit ng confidential funds ng Bise Presidente.

**
Kinansela ang walong (8) flights patungo at pabalik ng Bicol Region dahil sa paggalaw at tumitinding aktibidad ng Bulkang Mayon sa Albay, bilang bahagi ng mga hakbang pangkaligtasan.
Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), kaligtasan pa rin ang pangunahing prayoridad at masugid nilang binabantayan ang sitwasyon sa Bicol.

Siniguro ng CAAP na tutulungan ang mga apektadong pasahero sa Bicol International Airport.Sa kasalukuyan, nasa ilalim ng Alert Level 3 ang Mayon Volcano na nangangahulugang “intensified unrest” o “magmatic unrest.” Binigyang-payo rin ang mga piloto na iwasan muna ang paglipad malapit sa bunganga ng bulkan dahil ang abo mula sa biglaang pagsabog ay maaaring magdulot ng panganib sa mga eroplano.