Sinabi ni U.S. President Donald Trump na bukas umano ang Iran na makipag-negosasyon sa Washington matapos magbantang gagamit ng puwersa laban sa Islamic Republic dahil sa madugong laban sa mga demonstrador.
Bunsod pa ‘yan ng tumataas na bilang ng mga nasasawi na ayon sa human rights activist, pumalo na sa hindi bababa sa 544 ang mga nasawi sa malawakang protesta sa buong bansa.
Ginawa ni Trump ang pahayag kasunod ng pagbisita ng foreign minister ng Oman sa Iran —bansang matagal nang nagsisilbing tagapamagitan ng Washington at Tehran.
Wala pang tugon ang Iran ukol sa naging pahayag ni Trump.
Dagdag parito, ipinahayag din ni Trump na naghahanda na ang kanyang administrasyon na makipagpulong sa mga opisyal ng Iran, ngunit nagbabala na maaaring maunang tumugon ang militar ng bansa kung patuloy na tataas ang death toll sa Iran gayundin ang mga inaarestong demonstrador.
Ilan sa mga iniulat na posibleng gawin ng Amerika ay ang cyberattacks at air strikes na maaaring gawin din ng Israel. Nakahanda rin ang U.S. sa posibleng tugon ng Iran kung sakaling magpumilit ito.
Samantala, nanawagan naman ang mga pro-government demonstrations nitong Lunes ukol sa naging banta ng Estados Unidos anila, “Death to America!” at “Death to Israel!” upang ipakita ang suporta kay Supreme Leader Ayatollah Ali Khamenei.
Sa kabilang dako iniulat din ng U.S.-based Human Rights Activists News Agency, na mahigit 10,600 katao na ang naaresto sa loob ng nakalipas na dalawang linggong protesta.
Maalalang nag-simula ang malawakang demonstrasyon noong Disyembre 28, 2025, kasabay ng pagbagsak ng halaga ng salapi ng Iran, kung saan umabot sa mahigit 1.4 million rial kada isang dolyar ang palitan.
----------
Matapos ang Angelus prayer sa St. Peter’s Square sa Vatican nitong Linggo, Enero 11, ipinagdasal ng lider ng Simbahang Katolika ang kapayapaan sa Middle East partikular na sa Iran at Syria, kung saan nagpapatuloy ang tensiyon na patuloy na kumikitil ng maraming buhay.
Ipinagdasal din ng Santo Papa na unti-unti ay maging mabunga ang diyalogo at kapayapaan para sa pagkamit ng pangkalahatang kabutihan ng buong lipunan.
Simula nga noong Disyembre ng nakalipas na taon, ang Iran ay nakakaranas ng panibagong mga demonstrasyon laban sa regime, na kumalat pa sa maraming probinsiya ng bansa hanggang sa nauwi sa kaguluhan kung saan pumalo na sa 500 ang napaulat na nasawi at ipinapanawagan ang pagwawakas ng kasalukuyang regime. Habang sa Syria naman, nakakaranas ng malawakang labanan sa mga nakalipas na araw sa pagitan ng army at Kurdish forces sa northern city ng Aleppo.
Isinama rin ng pontiff sa kaniyang dasal ang mga naghihirap, na naiipit sa giyera sa Ukraine at muling binuhay ang panawagan para sa pagtatapos ng karahasan at panibagong mga hakbang para makamit ang kapayapaan.
Ginawa ng Santo Papa ang panawagan sa gitna ng panibago nanamang mga pag-atake sa Ukraine partikular na sa mga pangunahing energy infrastructure ng Ukraine sa gitna ng pagigting ng malamig na panahon kung saan pinakaapektado dito ang mga sibilyan.
-----