Skip to content

January 13 - 7 am NEWS

January 13 - 7 am NEWS
CHESTER PANGANs
Jan 13, 2026 | 8:46 AM

Nilagdaan na ng Pilipinas at United Arab Emirates (UAE) ang makasaysayang Comprehensive Economic Partnership Agreement (CEPA) sa pagitan ng Pilipinas at United Arab Emirates (UAE) ngayong araw ng Martes sa Abu Dhabi.

Sinaksihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr at UAE President Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan, ang paglagda sa Comprehensive Economic Partnership Agreement (CEPA).

Sa panig ng Pilipinas si Trade and Industry Secretary Ma. Christina Roque ang lumagda sa kasunduan na ginanap sa sidelines ng Abu Dhabi Sustainability Week 2026.


Layunin nitong pababain ang taripa, palawakin ang market access ng mga produkto at serbisyo, palakasin ang pamumuhunan, at lumikha ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino sa UAE.

Kabilang sa mga sektor na saklaw ng kasunduan ang digital trade, MSMEs, sustainable development, at professional services. 

Inaasahang makikinabang ang mga produktong Pilipino tulad ng saging, pinya, de-latang tuna, at electronics.

Noong 2024, umabot sa halos US$1.83 bilyon ang kalakalan ng dalawang bansa. Inaasahang magpapataas ng mahigit siyam na porsiyento ang CEPA sa export ng Pilipinas sa UAE at magpapalakas ng ugnayang pangkalakalan sa Gulf region. 

Dumalo din sa paglagda si First Lady Liza Araneta Marcos.

----

Umiiral na ang anti-epal guidelines sa ilalim ng mga patakaran ng Department of Budget and Management (DBM) at Office of the President (OP), 

Ito ang ibinunyag ni DILG Sec. Jonvic Remulla, kasabay ng mas malaking papel ng LGUs sa paghahatid ng basic services at ang probisyong anti-politikal sa 2026 General Appropriations Act.

Ayon kay Remulla, mahigpit na ipinagbabawal ang paglalagay ng pangalan, larawan, o logo ng mga politiko sa mga proyektong pinondohan ng gobyerno. 


Tanging detalye ng proyekto tulad ng pangalan ng proyekto, petsa, kontratista, at pinanggalingan ng pondo ang maaaring ilagay.

Hinimok ni Remulla ang publiko na i-report sa social media ang mga paglabag upang agad itong maimbestigahan. 

Bagama’t hindi agad hahantong sa pagtanggal sa puwesto ang paglabag, maaari umanong masuspinde ang mga sangkot.

Inihayag ni Remulla na maari din nila ipasa sa Ombudsman ang kaso.

Kasong administratibo ang kahaharapin ng mga pulitiko na hindi susunod sa guidelines at probisyon.

Naniniwala ang kalihim na para magkaroon ng ngipin ang Anti-Epal campaign dapat bumuo na ng batas ang mga mambabatas.