Skip to content

January 13 - 8 am NEWS

January 13 - 8 am  NEWS
CHESTER PANGAN
Jan 13, 2026 | 9:40 AM

Nakahanda ang European Union na magpatupad ng sanctions laban sa Iran kung kinakailangan.

Sinabi ni EU spokesperson Anouar El Anouni na laging nakahanda sila para sa panukalang bagong sanctions matapos ang madugong protesta.

Una ng naglaan ang EU ng sanctions sa Iran dahil sa ilang human rights para sa nuclear programme.

Magugunitang aabot na sa mahigit 500 protesters na ang nasawi sa mahigit dalawang linggong kilos protesta na nagsimula dahil sa pagbagsak ng ekonomiya.

---

Lumahok ang mahigit 1,000 Pilipinong nurses sa malawakang hospital strike sa New York City.

Kabilang ang mga ito sa tinatayang 15,000 nurses mula sa mga pribadong ospital na nagsagawa ng strike.

Karamihan sa mga PIlipinong nurses na lumahok sa strike ay nagtratrabaho sa 10 ospital na nasa ilalim ng New York-Presbyterian, Mount Sinai at Montefiore.

Isinagawa ng nurses ang walkout kasunod ng deadlock sa negosasyon kaugnay sa kanilang daing para sa mas mataas na sahod at mas maayos na mga benepisyo.


Idinadaing din ng mga nurse na nananatiling understaff ang mga ospital, na nagtataas ng seryosong concern kaugnay sa kaligtasan ng mga healthcare workers at mga pasyente.

Ayon kay New York Consul General Senen Mangalile, umaasa ang konsulada na maresolba sa lalong madaling panahon ang dispute sa pagitan ng New York State Nurses Association at pamunuan ng mga ospital.

Nagpahayag naman ng kumpiyansa ang Konsulada na makikita o kikilalanin ng mga employer ang mahusay na mga katangian ng mga Pilipinong nurses.

Una rito, nagdeklara si New York State Governor Kathy Hochul ng state of emergency para matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng publiko kabilang na ng mga pasyente.

-----

Mahigit 100,000 na visa ang binawi ng Estados Unidos mula nang umupo si U.S. President Donald Trump bilang Pangulo ng Estados Unidos ayon sa U.S. State Department.

Kasunod ‘yan ng anti-migrant platform ng Administrasyon ni Trump na naglalayon ng mass deportation kung saan iniulat ng Department of Homeland Security na higit 605,000 katao na ang na-deport, at 2.5 milyon naman ang kusang umalis ng bansa.

Ayon sa U.S. State Department ito na ang pinakamataas na bilang ng visa revocations sa loob lamang ng isang taon.

Saklaw ng datos ang panahon mula sa ikalawang inauguration ni Trump noong Enero 20, 2025.


Bukod dito, libo-libong visa rin ang kinansela dahil sa mga krimen kabilang ang assault at drunk driving.

Humigit-kumulang 8,000 student visas naman ang kabilang sa mga binawi rin ng Amerika.

Binigyang-diin ni Secretary of State Marco Rubio ang paggamit ng McCarthy-era law upang harangin ang mga visa ng mga estudyanteng nais lang umano ay lumahok sa mga protesta laban sa Israel.

Kasabay nito, hinigpitan rin ang screening visa applications para sa mga kumukuha ng visa sa Estados Unidos, kabilang dito ang pagsusuri ng social media ng mga aplikante, bilang bahagi ng mas malawak na kampanya laban sa immigration ng Amerika.