Nagdeklara ng state of calamity ang lokal na pamahalaan ng Cebu City matapos ang malagim na pagguho ng bundok ng basura sa Binaliw Landfill na ikinasawi ng 13 katao.
Ayon sa mga otoridad, patuloy ang search and rescue operations upang hanapin ang mahigit 20 indibidwal na iniulat na nawawala.
Kaugnay nito, naglaan ang pamahalaang lungsod ng P30 milyon bilang pondo para sa agarang pagtugon sa krisis sa basura at kaligtasan ng mga residente.
**
Iginiit ni Davao City Rep. Paolo Duterte na hindi makakabalik sa Pilipinas si dating Pangulong Rodrigo Duterte hangga’t si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Presidente.
Aniya, nananalangin ang kanilang pamilya na balang araw ay makabalik sa Pilipinas ang dating pangulo, ngunit sa ngayon ay mas pinipili niyang manatili sa The Hague, Netherlands hangga’t si Marcos ang Presidente.
Nagbigay din si Rep. Duterte ng update tungkol sa kalusugan ng kanyang ama. Aniya, maayos ang kalusugan ng dating Pangulo, may nadagdag na timbang, bagaman nananatiling payat ang kanyang mga binti dahil sa kakulangan ng ehersisyo.
**
Kinuwestiyon ng abogado ni negosyanteng Charlie “Atong” Ang ang inilabas na warrant of arrest ng Regional Trial Court sa Sta. Cruz, Laguna kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ayon kay Atty. Gabriel Villareal, ang desisyon ay “premature” at “legally questionable” dahil umano’y nakabatay lamang ito sa hindi kumpletong impormasyon mula sa DOJ.
Giit niya, nilabag ng korte ang karapatan ni Ang dahil hindi isinama ang counter affidavits at ebidensiyang pabor sa mga akusado.