Skip to content

January 14 - 8 am NEWS

January 14 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Jan 14, 2026 | 8:30 AM

Kinondina ng United Nations Human Rights Council ang madugong pamamaraan ng Iran laban sa mga protesters.

Ayon sa Special Procedures United Nations Human Rights Council na isang malinaw na paglabag sa karapatang pantao ang ginagawa ng Iran.

Ilan sa mga pinuna nila ay ang puwersahang pagbuwag sa isinagawang mapayapang protesta, paghuli sa mga protesters kasama na ang mga bata at pag-atake sa mga medical facilities.

Nakikipag-ugnayan na sa Iranian authorities ang UN Human Rights Council at nanawagan sila na tigilan ang madugong pagbuwag sa kilos protesta.


Magugunitang aabot na sa mahigit 1,000 mga protesters ang nasawi sa protesta na nagsimula noong tatlong linggo ang nakakalipas.

----

Kinasuhan ng US state of Minnesota at Illinois si US President Donald Trump bilang bahagi ng pagpigil sa pagpapakalat ng federal immigration agents sa lugar.

Ang nasabing pagsampa ng kaso ay kasunod ng pagkamatay ng 37-anyos na babae na si Renee Good na pinagbabaril ng Immigration Custom Enforcement (ICE) agent.

Sa nasabing kaso ay hiniling nila sa federal court na ideklarang iligal ang pagpapakalat ng ICE agents.

Una rito ay sumiklab ang kilos protesta sa iba’t-ibang bahagi ng US bilang pagkondina sa pagpatay kay Good.


Kumpiyansa naman ang kampo ni Trump na maipapapanalo nila ang nasabing kaso kung saan sinabi ni White House Border Czar Tom Homan na kanilang ipinapatupad lamang ang batas na inaprubahan ng kongreso.

----

Hiniling ng isang piskalya sa South Korea ang parusang kamatayan laban kay dating South Korean President Yoon Suk Yeol kaugnay ng kanyang deklarasyon ng martial law noong Disyembre 2024 na nagdulot ng matinding kaguluhan sa bansa.

Maalalang sumiklab ang national crisis nang biglaang ipinatupad ni Yoon ang martial law at ipag-utos na bantayan ng mga sundalo ang parliament na siyang pansamantalang nagpahinto sa pamahalaan.

Noong Martes pormal nang nagtapos ang paglilitis ni Yoon sa mga kasong insurrection, abuse of power, at iba pang kaugnay na paglabag, matapos ang mahigit 11-oras na pagdinig sa korte.

Sa kanilang closing arguments, inilarawan ng mga prosecutors na si Yoon ang utak ng isang “insurrection” na umano’y bunga ng matinding pagnanais sa kapangyarihan na naglalayong magtatag ng diktadura at pangmatagalang pamumuno.


Ayon pa sa kanila, wala umanong ipinakitang pagsisisi ang dating pangulo sa mga aksyong nagbabanta sa constitutions at demokrasya ng bansa.

Mariing itinanggi ni Yoon ang mga paratang at ipinagtanggol ang kanyang mga hakbang bilang legal at makatwiran. Ayon sa kanya, layunin ng martial law na ipagtanggol ang bansa at hindi para sirain ang demokrasya.

Humiling din ang mga prosecutors ng habambuhay na pagkakakulong para sa dating defense minister na si Kim Yong-hyun, isa sa mga pangunahing akusado sa pagpapatupad ng martial law bid.

Samantala, inaasahang ilalabas ng korte ang hatol sa Pebrero 19, 2026.

Si Kim ay kabilang sa walong indibidwal na itinuturing na ringleaders sa nasabing insidente.

Kung mapapatunayang nagkasala, si Yoon ang magiging ikatlong pangulo ng South Korea na mahahatulan ng insurrection, kasunod ng dalawang dating lider-militar na napatunayang nagkasala kaugnay ng 1979 coup. Gayunman, bagama’t nais nila ang death penalty, maliit ang tyansa nito dahil hindi opisyal ang moratorium ng bansa pagdating sa executions na umiiral mula pa noong 1997.

Bukod dito, humihiling din ang mga tagausig ng 10 taong pagkakakulong laban kay Yoon sa hiwalay na kaso ng obstruction of justice, na inaasahang hahatulan ng isang korte sa Seoul sa Biyernes.