Skip to content

January 15 - 6am NEWS

January 15 - 6am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Jan 15, 2026 | 6:30 AM

Hinikayat ni Department of Local Government  o DILG Secretary  Jonvic Remulla ang publiko na huwag mag-atubiling idulog at ireklamo ang mga pulitikong nakikita nilang may pagka-“epal” sa pamamagitan ng iba’t ibang plataporma na inilalaan ng ahensya para sa layuning ito.

Ito ay upang masiguro na ang mga opisyal ng gobyerno ay nananatiling tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin at hindi ginagamit ang kanilang posisyon para sa pansariling interes o pagpapabango ng pangalan.

Ang mga insidente ng pagiging “epal” ng mga pulitiko ay maaaring isumbong sa “Bantay Korapsyon,” na siyang pangunahing anti-corruption initiative ng DILG.

Ang programang ito ay sadyang binuo upang labanan ang korapsyon sa lahat ng antas ng pamahalaan.

***

Nagbabala ang Bureau of Immigration  sa publiko laban sa mga online romance o love scam na gumagamit ng pangalan at awtoridad ng ahensya upang lokohin ang mga biktima at hingan ng pera.

Kasunod ito ng inireklamo ng isang babae  upang beripikahin ang isang email na umano’y ipinadala ng isang opisyal ng immigration kaugnay sa delivery ng isang parcel mula sa ibang bansa.

Ayon sa immigration bureau,  nakasaad sa email na ang package na ipinadala ng diumano’y dayuhang nobyo ng babae ay “na-intercept” ng “Bureau of Immigration under the Ministry of Interior” at kinakailangang magbayad upang ito ay mailabas.Mariing itinanggi ng ahensya na galing sa kanila ang email message at iginiit na ito ay bahagi ng isang love scam.

Nilinaw ng ahensya na hindi ito saklaw ng anumang “Ministry of Interior” at wala itong kapangyarihang humarang ng mga parcel, magproseso ng delivery, o maningil ng bayad para sa pagpapalabas ng anumang mga package.  Ang insidente ay iniendorso na sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at sa Cybercrime Division ng National Bureau of Investigation (NBI) para sa mas malalim na imbestigasyon.