Hinimok ni dating Senador Ping Lacson si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na ipagpatuloy ang pagpasok sa Senado sa kabila ng mga ulat hinggil sa umano’y warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC). Ayon kay Lacson, wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa ICC ukol sa naturang warrant laban sa mambabatas.
Matatandaang si Dela Rosa ay kabilang sa mga inireklamo sa ICC kaugnay ng kanyang papel bilang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) at pangunahing tagapagpatupad ng Oplan Tokhang sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Ang kampanya kontra droga ay iniimbestigahan ng ICC dahil sa umano’y libo-libong kaso ng extrajudicial killings.
Aminado si Lacson na wala siyang “moral ascendancy” upang pilitin si Dela Rosa na sumuko, dahil siya man ay minsang nagtago noong may kasong kinaharap. Gayunpaman, iginiit niyang dapat hayaan ang mga awtoridad na gumanap ng kanilang tungkulin, habang si Dela Rosa naman ay may kalayaan na magpasya sa kanyang magiging hakbang.
**
Ipinagmalaki ng Land Transportation Office ang pagkaka aresto sa 39 na fixer matapos ang isinagawang one time big-time operation ,
Katuwang ng LTO ang Philippine National Police sa isinagawang operasyong ngayong araw.
Sa naging pahayag ni LTO Chief Asec. Markus Lacanilao, sinabi nito na mula sa naturang bilang, 24 sa mga ito ay nahuli sa LTO Central Office.
Ang natitira sa mga ito ay naaresto naman mula sa tanggapan sa San Juan, Maynila, Novaliches, at Pasay.Nanindigan si Lacanilao na ito ay simula pa lamang ng kanilang mas malawak na operasyon sa buong bansa laban sa mga fixer. Layon nitong mapigilan ang ugat ng korapsyon sa pamahalaan.
***
Lumakas na bilang isang tropical storm ang dating tropical depression Ada.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 400 kilometro silangan ng Surigao City, Surigao del Norte.
Taglay nito ang maximum sustained winds na 65 km/h malapit sa sentro, pagbugso hanggang 80 km/h.
Kumikilos ito sa direksyong northwestward sa bilis na 15 km/h.
Umaabot hanggang 400 kilometro mula sa sentro ang lakas ng hangin ng bagyo, na may dalang malalakas hanggang gale-force winds.
Dahil dito, nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa ilang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao.
January 15 - 7 am NEWS
Jan 15, 2026 | 8:47 AM