Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang naiulat na nasaktan sa mga Pilipino sa gitna ng kaguluhan sa Iran.
Nag-ugat ang kaguluhan sa matinding pagbagsak ng rial kontra dolyar, dahilan para magprotesta ang mga mamamayan ng Iran na nagdulot ng pagkasawi ng libo-libong sibilyan at security personnel.
Tiniyak ni DFA spokesperson Asec. Angelica Escalona na naka-monitor ito sa lagay ng mga Pilipino.
“As of this time, there are no reports of any Filipino casualties. Wala pa rin pong lumalapit sa embahada upang humingi ng tulong,” ayon kay Escalona.
Aabot aniya sa 823 Pilipino ang nasa Iran at karamihan ay mga permanent resident kasama ang kanilang mga Iranian na asawa at mga anak.
Samantala, nasa Alert Level 2 ang ipinapatupad ng Philippine Embassy sa Tehran para sa mga Pilipino sa Iran, na una nang inisyu noong Enero 2.
----
Inilabas ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ang most wanted list sa krimen na human trafficking kung saan kabilang si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ng FBI-Dallas ang larawan ng apat na indibidwal, kabilang si Quiboloy, na pinaghahanap dahil sa pagiging suspek sa krimen.
Ayon sa opisyal na website ng FBI, mayroong warrant of arrest laban sa pastor na inilabas ng isang federal grand jury sa US District Court sa Central District of California.
Inaakusahan si Quiboloy ng conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion, sex trafficking of children at bulk cash smuggling.
Bukod sa tawag na Pastor, kilala rin umano si Quiboloy sa mga alyas na “The appointed son of God”, “Sir” at “ACQ”.
Naglabas din ang FBI ng hiwalay na wanted poster laban kina Teresita Dandan at Helen Panilag, kapwa akusado ni Quiboloy at matataas na opisyal ng KOJC na itinatag ng religious leader noong 1985.
Matatandaang naaresto si Quiboloy sa compound ng KOJC sa Davao City noong Setyembre 2024 dahil sa mga kasong kaugnay ng sexual abuse at human trafficking.
----
Binabaan ng World Bank ang pagtaya nitong paglago ng ekonomiya ng Pilipinas para sa 2025 hanggang 2027 habang tinaas naman nito ang outlook sa Asia Pacific.
Ayon sa 2026 Global Economic Prospects report ng World Bank, binaba ang GDP growth forecast para sa Pilipinas ng 0.2% sa 2025 sa 5.1% kumpara sa June 2025 projection nito. Para sa 2026 at 2027, binawasan naman ng 0.1% ang GDP growth forecast na 5.3% na lamang para sa 2026 at 5.4% na lamang para sa 2027.
Sa kabila ng downgrade, mas malaki pa rin ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas kumpara sa karamihan sa rehiyon kahit pa tinaas ng World Bank ang projection nito para sa East Asia Pacific.
Paliwanag ng World Bank, nakatulong sa paglago sa rehiyon ang pag-front load nito ng exports nang nagbanta ng pagtataas ng taripa ang Estados Unidos. Ibig sabihin, pinadala na nila ang shipments bago pa maging pormal ang pagtataas ng taripa.
Para sa buong rehiyon, nakikita ng World Bank na babagal ang paglago sa 4.4% sa 2026 at 4.3% sa 2027 dahil babagal ang ekonomiya ng China. (Eileen Mencias)