Skip to content

January 19 - 7 am NEWS

January 19 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Jan 19, 2026 | 8:42 AM

Upang mas mapahusay ang serbisyo sa aviation sektor, hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pribadong business partners na ipagpatuloy ang pakikipagtulungan sa gobyerno upang mas marami pang inisyatiba sa imprastruktura ang maipatayo para makasabay sa buong mundo.

Ang pahayag ay ginawa ng Pangulo sa kanyang pagdalo sa pagpapakilala sa Airbus A350-1000, ang pinakamalaki at advanced aircraft ng flag carrier Philippine Airlines (PAL) sa Villamor Air Base, Pasay City noong Sabado, Enero 17.

Sinabi ng Pangulo na bahagi ng adhikain ng kanyang administrasyon na makagawa ng world class connectivity sa pamamagitan ng modernisasyon ng mga paliparan at ma-upgrade ang mga imprastruktura para sa pag-unlad ng rehiyon at paglago ng ekonomiya.

“Thid administration remains committed to upgrading infrastructure, modernizing airports, enhancing connectivity, and boosting the economy,” anang Pangulo.

Tinukoy ng Presidente ang mga ginagawa ng gobyerno kasama ang private partners para mapaganda ang biyahe sa mga pangunahing destinasyon at mapalakas ang pag-unlad sa rehiyon at ang ekonomiya. (Aileen Taliping)

----

Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Lunes, Enero 19 na na may nadiskubreng bagong natural gas malapit sa Malampaya—ang unang malaking tuklas ng ganitong uri sa loob ng mahigit 10 taon.

Sa madaling salita, may bagong pagkukunan ng kuryente ang bansa.

Ang tinawag na Malampaya East-1 ay matatagpuan ilang kilometro lang mula sa kasalukuyang Malampaya gas field.

Ayon sa pangulo, sapat ang natuklasang gas para makapagbigay ng kuryente sa milyon-milyong kabahayan, paaralan, at gusali sa loob ng isang taon.

Ibig sabihin nito, mas may tsansa ang Pilipinas na magkaroon ng mas matatag na suplay ng kuryente, at mas mabawasan ang pag-depende sa inaangkat na enerhiya mula sa ibang bansa at sa uling.

Sinabi rin ni Marcos na maganda ang resulta ng unang pagsubok sa balon, na nagpapakitang malakas at tuloy-tuloy ang daloy ng gas—kahalintulad ng naunang Malampaya wells na matagal nang tumutulong sa suplay ng kuryente sa Luzon.

----

Target ng ilang House of Representatives leaders na repasuhin ang impeachment rules upang makabalangkas ng mas mabigat na impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sakali mang may ihain muli sa kapulungan.

Ito ay habang inaantay ng Mababang Kapulungan ang desisyon sa motion for reconsideration nito na humahamon sa pasya ng korte sa impeachment case laban sa Bise Presidente.

Ayon kay House committee on higher and technical education chair at Tingog Rep. Jude Acidre, ia-adopt ng kapulungan ang bagong impeachment rules para sa 20th Congress alinsunod sa ruling ng kataas-taasang hukuman para matiyak na mahigpit na sumusunod sa proseso at nabuo nang may malinaw na guidelines.

Binigyang diin naman ni House committee on suffrage and electoral reforms chair at Lanao del Sur Representative Zia Adiong na ang desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa impeachment ay nakapokus sa technicality at hindi sa merito ng kaso na kanilang inihain.


Sa ngayon, ayon kay Rep. Acidre, inaantay pa nila ang aksiyon ng Korte Suprema sa kanilang motion for reconsideration sa impeachment complaint laban sa Ikalawang Pangulo. Sakali man aniya na bigyan ng tamang proseso ang kanilang mosyon, inaasahan nilang sisimulan ang proseso kung saan ito natapos.

Matatandaan, nauna ng idineklara ng Korte Suprema noong Hulyo 25, 2025 ang articles of impeachment bilang unconstitional dahil sa paglabag sa one-year rule at sa paglabag sa karapatan para sa due process.

Ilan sa mga naging basehan sa pag-impeach ng Kamara sa Bise Presidente ay ang misuse ng confidential funds, pagbabanta laban sa kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at iba pang posibleng paglabag sa konstitusyon.