May kutob ang Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na alam at napaghandaan ng negosyanteng si Atong Ang ang pag-isyu ng arrest warrant laban sa kaniya.
Nasabi ito ni PNP-CIDG National Capital Region Chief PCol. John Guiagui dahil sa lawak na rin ng resources at koneksiyon na mayroon si Ang sa buong bansa.
Kayat aminado ang police official na nahihirapan silang matunton ang kinaroroonan ng puganteng si Ang. Subalit, tiniyak ni Col. Guiagui na hindi ito hadlang sa kanilang isinasagawang manhunt operation.
Naniniwala rin ang ahensiya na kasalukuyang kumikilos si Ang at nananatiling nasa loob pa rin ng bansa. Wala aniyang rekord na lumabas ng Pilipinas si Ang kayat puspusan ang kanilang paghahanap sa negosyante hanggang siya ay tuluyan nang mahuli.
Patuloy naman ang pagberipika ng mga awtoridad sa kanilang mga natatanggap na tips at impormasyon mula sa kanilang hotline.
Matatandaan, nauna ng pinalutang ng whistleblower na si Julie Patidongan, na nagturo rin kay Ang bilang utak umano ng pagkawala ng mga sabungero, na nakalabas na umano ng bansa si Ang.
Sa isang pulong balitaan sa Camp Crame nitong Lunes, Enero 19, inihayag ni PNP spokesperson PBGEN Randulf T. Tuaño na iniimbestigahan na rin ang ilang aktibo at retiradong pulis kabilang ang senior officials na posibleng tumutulong kay Ang.
Kasalukuyang may dalawang arrest warrant mula sa korte ng Laguna at Batangas ang inisyu laban kay Ang.
Nananatili rin ang patong sa ulo ni Ang na P10 million para sa kaniyang pagkakaaresto.
----
Sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na bagama’t lohikal ang mungkahing ipadeport si dating Ako-Bicol Rep. Zaldy Co mula Portugal, ito ang “pinaka-improbable” na opsyon sa ngayon.
Naglabas ng pahayag si Remulla matapos itulak ni ML Party-list Rep. Leila de Lima na idaan sa deportation imbes na extradition ang pagbabalik ni Co, na nasasangkot sa flood control corruption controversy.
Paliwanag ni Remulla, hindi maaaring pilitin ang deportation dahil Portuguese passport holder si Co.
Wala ring extradition treaty ang Pilipinas at Portugal, ngunit sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na handa siyang makipagnegosasyon para sa pag-aresto kay Co. Sinabi naman ni Remulla na pinag-aaralan ng pamahalaan ang legal na hakbang sa ilalim ng mga international agreements at posibleng avenues sa ilalim ng United Nations.
Noong Nobyembre 2025, inisyuhan ng arrest warrants si Co at iba pang opisyal dahil sa umano’y anomalya sa P289-milyong flood control project sa Oriental Mindoro. Nagsampa na rin ang Ombudsman ng kaso sa Sandiganbayan, na magsisimula ng trial sa Enero 20. Tinanggi ni Co ang mga akusasyon. (report by Bombo Jai)