Skip to content

January 22 - 8am NEWS

January 22 - 8am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Jan 22, 2026 | 8:30 AM

Nasa kustodiya na ng Department o Justice o DOJ si dating DPWH-Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara, matapos siyang tanggapin sa Witness Protection Program (WPP) bilang state witness sa imbestigasyon ng anomalya sa flood control projects.

Matatandaang nakadetine si Alcantara sa Senado kaugnay ng Blue Ribbon Committee probe at napatawan ng contempt noong Setyembre 2025. Ngayong nasa DOJ na siya, tiniyak ng ahensiya na mananatili siyang available sakaling kailanganin ng Senado sa imbestigasyon.
Alcantara ay inilipat mula Senado bandang ala-1:00 ng hapon kasama ang DOJ personnel.

**

Naipadala na sa tanggapan ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ayon kay House Secretary General Cheloy Velicaria-Garafil.

Sinabi ni Garafil na ang Office of the Secretary General ang nag-transmit ng verified complaint sa Office of the Speaker para sa tamang aksyon at pagtupad sa konstitusyonal na proseso. Idinagdag niya na administratibo lamang ang papel ng tanggapan niya, at mahigpit silang sumusunod sa Saligang Batas at internal protocols ng Kamara.

Ang complaint ay inihain noong Lunes ni Atty. Andre de Jesus at inindorso naman ni House Deputy Minority Leader at Pusong Pinoy Partylist Rep. Jernie Nisay. Ang hakbang ay panimula sa proseso ng Kamara sa pagproseso ng impeachment.
 
**
Hindi na basta-basta puwede ang video greetings mula sa Kapamilya stars, ayon sa bagong memo ng kumpanya. Diumano’y nadiskubre na ginagamit at pinagkakakitaan na ng ibang internet users ang mga greetings.

May mga report na may ilang events kung saan basta na lang lalapit sa celebrity at pinapabati habang tinututukan ng camera; kapag hindi pinayagan, may issue pa. Ang ilan ay nagmamanage na ng events at nagbebenta pa ng greetings.

Ayon sa memo, mas maayos ito para hindi na ordinaryong bagay lang ang video greet at para hindi magamit sa iba’t ibang platform nang walang pahintulot.