Nanawagan ng dayalogo at pagpipigil ang bagong Chinese Ambassador sa Pilipinas na si Jing Quan, at iginiit na hindi dapat ang sigalot sa pinagtatalunang karagatan ang magdikta sa kabuuang relasyon ng China at Pilipinas.
Sinabi ni Jing na layunin niyang patatagin ang ugnayan ng dalawang bansa at pamahalaan ang mga hindi pagkakaunawaan sa pamamagitan ng pag-uusap. Aniya, may kakayahan at karunungan ang magkabilang panig na resolbahin o pamahalaan ang tensyon, tulad ng nagawa ng China sa iba nitong kapitbahay o karatig bansa.
Ibinunyag din niya na may inisyal ng pagkakasundo ang mga diplomat ng dalawang bansa para sa susunod na yugto ng dayalogo, at umaasa siyang mapapabilis ang negosasyon sa Code of Conduct sa disputed water ngayong taon habang ang Pilipinas ang umuupong ASEAN Chair.
***
Natunton ng mga awtoridad ang eksaktong kinaroroonan ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co sa Portugal pero malaking hamon pa rin sa kanila ang pagpapauwi sa dating mambabatas.
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, kasalukuyan umanong naninirahan sa isang pribadong komunidad si Co kasama ang ilang miyembro ng kanyang pamilya.
Inihalintulad ni Remulla ang kina¬roroonan ni Co sa Forbes Park, ang exclusive village sa Makati City kung saan nakatira ang ilan sa pinakamayamang pamilya sa Pilipinas.
Walang extradition treaty ang Pilipinas sa Portugal kaya naghahanap ng paraan ang administrasyong Marcos para mapauwi sa Co kahit nakakuha siya ng Portuguese passport.
***
Pinoy Olympic gold medalist weightlifter Hidilyn Diaz, nagtuturo sa University of the Philippines sa Diliman. Nasa ilalim siya sa College of Human Kinetics kung saan nagtuturo sya ng dalawang section ng Physical Education 2 sa weightlifting.
Bilang paghahanda sa academic duty, kinumpleto ni Diaz ang apat na araw na Teaching Effectiveness Course noong Enero 12-15 sa UPDiliman School of Economics.
Ang kanyang layunin ay isulong at ipalaganap ang weightlifting sa pamamagitan ng pormal na kurikulum, lalo na’t regular na kaganapan na ito sa Palarong Pambansa. Nagpahayag si Hidilyn sa kanyang social media ng pagnanais na patuloy na matuto kasama ang kanyang mga mag-aaral. Bukod sa teknikal na kasanayan, layunin niyang magpalaganap ng kamalayan at magbigay-daan sa isang kapaligirang pang-edukasyon sa sports na nagpapahalaga sa pagkamalikhain at kahusayan.
Nakatapos ang atleta ng Business Administration sa College of Saint Benilde noong 2023. Patuloy pa rin siyang nagti-training bilang isang atleta sa pag-asang makapasok sa 2028 Los Angeles Olympics.