Skip to content

January 23 - 7 am NEWS

January 23 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Jan 23, 2026 | 8:44 AM

Hiniling ni Atty. Israelito Torreon sa Department of Justice (DOJ) na ibasura ang kasong obstruction of justice laban sa kanya na isinampa ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

Ang reklamo ay kaugnay ng pagtatangkang arestuhin noong 2024 si Pastor Apollo Quiboloy, lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

Sa kanyang counter-affidavit na isinumite nitong Biyernes, Enero 23, sinabi ni Torreon na kumilos lamang siya alinsunod sa kanyang tungkulin bilang abogado noong operasyon ng pulisya, Agosto 24, 2024 sa compound ng KOJC sa Davao City.

Aniya, ang kanyang aksyon ay para protektahan ang kanyang kliyente at matiyak ang kaligtasan ng publiko sa loob ng compound.


Binanggit din niya ang timing ng reklamo bilang isang isyu. Ayon sa abogado, ito ay isinampa lamang matapos ma-dismiss ang mga naunang kaso laban sa kanya.

Matatandaan na inihain ng PNP-CIDG ang reklamo noong Disyembre 2025, na nag-aakusa kay Torreon ng paglabag sa Presidential Decree No. 1829, na tumutukoy sa obstruction of the apprehension and prosecution of criminal offenders, kaugnay ng kanyang aksyon noong tangkain na arestuhin si Quiboloy.

Si Quiboloy ay kasalukuyang nakakulong sa Pasig City Jail, at nahaharap sa hiwalay na kaso ng umano’y human trafficking at child abuse.

---

Itinuturing ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na isang patunay na gumagana ang transparency initiative ng pamahalaan kasunod ng pagpapatawag ng Chinese Foreign Ministry kay Philippine Ambassador to China Jaime FlorCruz.

Ito ay may kaugnayan sa akusasyon ng China kay Tarriela na nagsasagawa umano ng “smear campaign” laban sa China kasunod ng paggamit ni Tarriela ng caricatures na naglalarawan kay Chinese President Xi Jinping sa isang presentation kaugnay sa mga aktibidad ng China sa pinagtatalunang karagatan. Ito din ang dahilan kayat naghain ang China ng diplomatic protest laban kay Tarriela.

Subalit, iginiit ng PCG official na ang transparency sa WPS ay hindi probokasyon kundi ito ay pagbubunyag lamang sa kung sino ang “bully aggressor” at ang tunay na biktima

Inihayag din ni Tarriela na mas ikinakatakot ng China ang isang mulat na mundo kesa sa international law.


Aniya, inilunsad ang naturang inisyatibo ng PCG para isapubliko ang mga aktibidad ng China sa West Philippine Sea.

Inirekomenda naman ng PCG official ang solusyon para sa tumitinding tensiyon at sinabing kung nais ng China na itama ang negatibong impact, dapat na simulan ito sa pamamagitan ng pagrespeto sa 2016 arbitral award.

Gayundin, sinabi ni Tarriela na dapat i-withdraw ng China ang iligal na inokupa nitong isla at itigil ang panghaharass sa mga mangingisdang Pilipino.

----

Nagbabala ang mga health expert sa publiko laban sa influenza-like illness partikular na ng respiratory syncytial virus (RSV) na maaaring makuha sa gitna ng nararanasang malamig na klima bunsod ng epekto ng hanging amihan.

Sa isang statement, ipinaliwanag ng infectious disease health expert na si Dr. Rontgene Solante na mayroong pangmatagalang epekto ito sa isang indibidwal na nadapuan ng sakit.

Ibinabala niya na ang highly contagious virus ay patuloy na nagdudulot ng pagkaospital bawat taon habang nananatiling limitado ang kamalayan ng publiko hinggil sa sakit.

Kayat binigyang diin ng eksperto ang kahalagahan ng taunang pagpapabakuna at patuloy na pagsasagawa ng awareness initiative dahil seasonal ang respiratory syncytial virus sa Pilipinas na karaniwang tumatama kapag mas malamig ang panahon at sa mga buwan na maulan.


Ang RSV ay isang common cause ng respiratory infection na maaaring humantong sa seryosong sakit sa mga sanggol, bata at adults na edad 60 pataas.

Bagamat ang mga sintomas ay mild lang at pareho sa karaniwang sipon, maaaring magdevelop ng severe respiratory o komplikasyon ang mga matatanda at mayroong underlying conditions.

Sa ngayon, wala pang gamot para sa RSV kaya mainam na agapan ito habang maaga pa.