Skip to content

January 26 - 7 am NEWS

January 26 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Jan 26, 2026 | 9:28 AM

Tiniyak ng Bureau of Immigration ang paghahain ng kaso laban sa mga tauhan nito na mapapatunayang ilegal na tumutulong sa mga foreign detainees .
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony M. Viado, ang sinumang mapapatunayang sangkot ay mahaharap sa matinding parusa.
Tugon ito ng opisyal matapos ang pagkakatanggal sa tatlong tauhan nito na dawit sa pagtulong sa isang kilalang Russian vlogger na na detain sa bansa dahil sa panghaharass sa ilang Pilipino.
Dawit ang tatlo matapos sabihin ng russian national na tinulungan siya na makagawa ng video content habang siya ay nasa loob ng piitan.
Nabatid na sangkot ang tatlo sa ilegal na pagpasok ng cellular phone sa loob ng BI Detention center.
Matapos ang ulat ay isinagawa naman ng mga tauhan ng BI ang isang raid sa loob ng pasilidad sa Taguig City at Muntinlupa City.

***

Ipinahayag ng Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court (ICC) nitong Lunes na “fit to take part in the pre-trial proceedings” si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Batay ito sa medical examination ng tatlong independent experts, na nagbigay ng ulat na kaya ni Duterte na epektibong gamitin ang kanyang procedural rights sa korte.
Dahil dito, ipagpapatuloy ng ICC ang pre-trial proceedings laban sa dating pangulo.
Kaugnay nito itinakda rin ang pagsisimula ng confirmation of charges hearing sa ICC sa Pebrero 23, 2026.
***
Binalaang muli ng pamunuan ng National Authority for Child Care ang publiko hinggil sa pagbebenta ng bata at ilegal na pag-aampon nito.
Sa isang pahayag ay sinabi ni NACC Undersecretary Janella Ejercito Estrada na mahaharap sa kaukulang parusa at pagkakakulong ang sinumang indibidwal o grupo na mapapatunayang nagbenta ng bata.
Parehong asunto rin ang kahaharapin ng mga ilegal na mag-aampon ng bata.
Hinimok rin ng National Authority for Child Care ang publiko na gawin na lamang ang legal na paraan sa pag-aampon sa pamamagitan ng NACC.
Pwede rin itong isagawa sa kaukulang Regional Alternative Child Care Office.
Nanindigan ang ahensya na may karapatan ang bawat bata na maging ligtas at mahalin kaya’t hindi ganun kadali ang proseso para na rin sa kanilang kaligtasan.