Target ng Department of Energy (DOE) na ma-award ang centralized auction para sa mga mid-merit natural gas power plant sa ikaapat na quarter ng 2026 bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na mapalakas ang suplay ng kuryente sa bansa.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, nakikipag-ugnayan na ang DOE sa iba’t ibang ahensya at sa Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP) para maisagawa ang bidding.
Layunin ng programa na hikayatin ang pagtatayo at pagpapalawak ng mga natural gas power plant na maaaring gamitin kapag mataas ang demand sa kuryente.
Ipinaliwanag pa ng DOE chief na mas mabilis tumugon ang mga natural gas power plant kumpara sa mga coal-fired power plant, kaya mas nakatutulong ito upang maiwasan ang kakulangan ng suplay ng kuryente, lalo na sa oras ng matinding konsumo.
**
Ipinahayag ng mga progresibong grupo ang kanilang pagtutol sa “Pax Silica” bago pa man ang nakatakdang ikalimang ulat sa bayan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Lunes, Hulyo 27.
Nagtipun-tipon ang mga ito sa may Elliptical Road sa Quezon City, kung saan makikita ang isang puting sasakyan na may nakapaskil na tarpaulin at may nakasulat na “NO to PAX SILICA.”
Ang Pax Silica ay isang inisyatibo na pinangungunahan ng Estados Unidos para sa industriya ng artificial intelligence (AI) at semiconductor. Layunin nitong palakasin ang suplay ng teknolohiya at computer chips, at bawasan ang pagdepende sa mga piyesa na galing sa China.
Subalit kamakailan ay umani ito ng batikos sa publiko dahil sa planong pagtatayo ng isang malaking industrial hub sa New Clark City sa Tarlac para sa pagproseso ng mga mineral at paggawa ng mga gamit para sa AI.
**
Itinitulak ni Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino IV ang pagpasa ng Senate Bill No. 267 upang itaas ang taunang income tax exemption threshold mula ?250,000 tungong ?480,000.
Layunin ng panukalang ito na mapataas ang maiuuwing sahod o take-home pay ng milyun-milyong manggagawang Pilipino sa gitna ng mataas na presyo ng mga bilihin.
Sa ilalim ng panukalang batas, lahat ng manggagawa na kumikita ng hanggang ?480,000 kada taon o humigit-kumulang ?40,000 kada buwan ay hindi na kakaltasan ng income tax.
Nilalayon nitong baguhin ang kasalukuyang sistema sa ilalim ng TRAIN Law (Republic Act No. 10963), kung saan ang mga kumikita lamang ng hanggang ?250,000 ang libre sa buwis.
Dahil halos isang taon nang nakabinbin ang bill mula nang ihain ito noong Hulyo 8, 2025, hinimok ng senador ang Kongreso na gawin itong priority legislation sa muling pagbubukas ng sesyon.
**
Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na kanila paring ipatutupad ang number coding scheme sa araw ng ika-5 State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr bukas, Hulyo 27, 2026.
Kaya pinapayuhan ang mga motorista na planuhin ang kanilang biyahe at gumamit ng alternatibong ruta upang maiwasan ang matinding trapiko.
Ayon sa MMDA, nasa 500 tauhan ng ahensya ang kanilang ide-deploy sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Kabilang dito ang mga traffic enforcers, road clearing teams, medical personnel, at emergency responders upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko at seguridad.
Inaasahan ang mabigat na daloy ng sasakyan sa Commonwealth Avenue, IBP Road, at iba pang pangunahing kalsada malapit sa Batasang Pambansa, kung saan gaganapin ang SONA.