Skip to content

July 27 - 7 am NEWS

July 27 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Jul 27, 2026 | 9:11 AM

Hinikayat ni Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V ang publiko na tutukan ang paglilitis sa Article 1 na may kinalaman sa confidential funds ni Vice President Sara Duterte dahil maaaring makilala na umano ng mga ito si “Mary Grace Piattos”.

Sa Miyerkoles, July 29, 2026 ay muling ipagpapatuloy ng Se¬nate impeachment court ang paglilitis kay Duterte kung saan isasalang ang Article 1 na may kinalaman sa umano’y paglustay ng Bise Presidente sa kanyang confidential funds.

Kabilang sa inilista ng prosecution team na witness sa nasabing article ang pangalan ni “Mary Grace Piattos” na kabilang umano sa daan-daang recipient ng confidential funds ni Duterte.

“Tingnan mo natin sa mga sunod na araw, baka makilala na po natin si the famous ‘Mary Grace Piattos’,” ani Ortega kaya hinikayat nito ang publiko na patuloy na subaybayan ang impeachment trial laban sa Pangalawang Pangulo. (Bernard Taguinod)

---

Hinikayat ni Senador Robin Padilla ang mga prosecutor sa bansa na muling pag-aralan ang batas upang mabawasan umano ang mga nakukulong na walang kasalanan.

“Galing ako sa kulungan. Nakita ko ang mga maling ginawa ng mga prosecutor. Napakaraming nakakulong sa Bilibid na walang kasalanan. Ang pagkukulang lang nila idiniin sila ng mga piskal. Hindi ganyan ginawa ang batas. Hindi ganyan ginawa ang hustisya. Hindi ka nilagay diyan para idiin ang tao. Nilagay ka diyan para magbigay ng hustisya. Mali iyan,” giit ni Padilla.

“Mali iyan, dapat mag-aral uli sila,” dagdag pa niya sa radio interview nitong Linggo, Hulyo 26.

Sa naturang interview, nanindigan si Padilla na hindi siya nagkamali sa kanyang sinabi sa Senate impeachment trial na hindi dapat maging one-sided ang prosekusyon.

“Kailangan ‘yung mga prosecution basahin nila kung ano ‘yung sinumpaan nilang tungkulin. Sila ay minister of justice, oh my God!” paliwanag ng senador. “Ikaw ay itinalaga diyan hindi para sa conviction, itinalaga ka diyan para sa justice. Ipasok lang nila ‘yung pinag-aralan nila at kanilang sinumpaan.”

---

Rerepasuhin ng House Committee on Ways and Means ang personal income tax system ng bansa upang mabigyan ng makabuluhang tax relief ang milyon-milyong middle-income na Pilipino na nabawasan ang purchasing power dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Ayon sa chairperson ng komite na si Marikina City Rep. Miro Quimbo, ang kasalukuyang personal income tax brackets ay sini¬mulang ipatupad noong 2018, at malaki na ang ibinaba ng purchasing power dahil sa inflation.

“For a salaried worker, earning between P30,000 to P80,000 a month—the core of our urban middle class—this has meant that nominal income increases are often eaten up by higher living costs,” sabi ni Quimbo.

Sinabi ng mambabatas na magsasagawa ang kanyang komite ng komprehensibong pagsusuri sa umiiral na income tax brackets, kabilang ang pagtataas ng tax-exempt threshold at muling pagrepaso sa pagtrato sa mga bonus, allowance, at iba pang mandatory deduction, upang matiyak na mas naaayon ang sistema ng pagbubuwis sa kasalukuyang kalagayang pang-ekonomiya habang pinananatili ang fiscal capacity ng pamahalaan. (Billy Begas)