Skip to content

March 12 - 7 am NEWS

March 12 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Mar 12, 2026 | 8:44 AM

Nagbanta ang Iran na papalo sa $200 o halos P12K kada bariles ang presyo ng langis at hindi makokontrol ng Estados Unidos ang halaga nito.

Binigyang-diin pa ni Ebrahim Zolfaqari, spokesperson ng Khatam al-Anbiya military command headquarters ng Iran, na hindi nila papayagan na makarating kahit isang litro ng langis sa US, Israel at sa mga kasosyo nito.

Ano mang barko o tanker na patungo sa mga bansang nabanggit ay magiging lehitimong target umano ng Iran.

“Get ready for the oil barrel to be at $200 because the oil price depends on the regional security which you have destabilised,” ani Zolfaqari. (Issa Santiago)

----

Nagbigay-babala ang Federal Bureau of Investigation (FBI) sa mga awtoridad sa California na handa umano ang Iran na gumanti sakaling magsagawa ng pag-atake ang United States laban sa kanilang bansa.

Ayon sa FBI nitong Huwebes (oras sa Pilipinas), posibleng gumamit ang Iran ng mga drone na ilulunsad mula sa American West Coast.

“We recently acquired information that as of early February 2026, Iran allegedly aspired to conduct a surprise attack using unmanned aerial vehicles from an unidentified vessel off the coast of the United States Homeland, specifically against unspecified targets in California, in the event that the US conducted strikes against Iran,” ayon sa FBI alert.

Samantala, inihayag din nito na: “We have no additional information on the timing, method, target, or perpetrators of this alleged attack.”

Lumabas ang naturang babala kasabay ng isinagawang magkasanib na pag-atake ng United States at Israel laban sa Iran.

----

Tiniyak ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) ng Iran na bibigyan nila ng kalayaan ang mga Arab at Europe nation na makadaan sa Strait of Hormuz sa kondisyon na palalayasin nila ang ambassador ng Israel at U.S. sa kanilang bansa.

Nagbanta rin ang IRGC na hindi nila papayagan ang pag-export ng langis mula sa rehiyon kung patuloy silang bobombahin ng Amerika at Israel pero hindi sila susuko sa mga ito.

“It is we who will determine the end of the war. The equations and future status of the region are now in the hands of our armed forces; American forces will not end the war,” giit nito.

Ang Strait of Hormuz ay isa sa pinakamahalagang ruta ng pag-export ng langis sa mundo na nag-uugnay sa pangunahing Gulf oil producer papunta sa Gulf of Oman at Arabian Sea.

Samantala, umabot na sa $120 kada bariles ang presyo ng krudo dahil sa 10 araw na labanan ng U.S. at Israel laban sa Iran na nagdulot ng pag-aalala sa pandaigdigang merkado ng enerhiya. Bagama’t bumaba ang presyo sa humigit-kumulang $100 noong Martes, tumaas ito ng mahigit 20% mula noong Pebrero 28 nang magsimula ang digmaan.