Higit sa kalahati ang nabawas sa mga consumer complaint na inaasikaso ng Department of Trade and Industry (DTI) matapos ang isinagawang “Mediation Marathon,” kung saan ipinatawag ng ahensiya ang mga e-commerce platform para aksyunan ang mga reklamo.
Bumagsak na lang sa 573 ang mga kaso hanggang noong Pebrero 27, mula sa 1,236 na naiwan noong katapusan ng 2025. Nasa 30 regional mediation officers ang nag-asikaso ng mga reklamo mula Pebrero 23 hanggang 27, katuwang ang Conflict Resolution Group Foundation, para mabawasan ang backlog.
Karamihan sa mga niresolbang sumbong ay tungkol sa mga palpak at sirang produkto, inisnab na warranty, at mga sablay na sales promo.
Ayon sa DTI, malaking pabor ito sa perwisyong inabot ng mga buyer.
“The overall reduction in pending complaints translates to faster refunds, quicker product replacements, and shorter waiting time for consumers,” sabi ng DTI.
Para hindi na muling bumaha ng reklamo, ipinatawag ng Fair Trade Group ng DTI ang mga bossing ng Shopee, Lazada, at Foodpanda. Sa online shopping ang bulto ng reklamo ng mga konsyumer.
Sabi ng DTI, nangako ang mga platform na dadagdagan ang kanilang mga tauhan para mabilis na umaksyon sa mga digital na reklamo. (Eileen Mencias)
----
Kahit nakabakasyon ang Kongreso, itutuloy pa rin ng House Committee on Justice ang kanilang trabaho sa pagproseso sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang kinumpirma ni Batangas Rep. Gerville Luistro dahil marami umano ang nangangamba na maantala ang proseso ng impeachment laban kay Duterte sa nakatakdang session break ng Kongreso mula Marso 21 hanggang Mayo 3, 2026.
“I am really inclined to continue with the hearing even during recess,” sabi ni Luistro, chairperson ng komite.
Bagama’t labas na aniya ito sa depinisyon ng Korte Suprema sa session days sa kanilang resolusyon noong Enero 28, sinabi ni Luistro na ang intesyon nila ay pabilisin ang proseso.
“So as to satisfy the waiting Filipino people about the result of this impeachment no. I think we will be upheld by the Supreme Court at that point so we intend to hold hearings in April, May and perhaps June, two to three months,” ani Luistro.
Ipinaliwanag pa ng mambabatas na hindi lamang isa kundi anim ang kaso na nilalaman ng dalawang impeachment complaint laban kay Duterte.
Hindi na aniya kailangan na buong miyembro ng komite ang dadalo sa pagdinig lalo pa’t bakasyon.
Samantala, kailangan lamang ng 28 boto sa House Committee on Justice upang ideklara na mayroong probable cause ang impeachment complaint laban kay Duterte.
Ayon kay Luistro, mayorya lamang ng kabuuang bilang ng mga miyembro ng panel ang kailangan para maideklara na mayroong probable cause ang reklamo. Ang komite ay mayroong 55 miyembro kasama na ang mga ex officio member.
Ang botohan kung may probable cause ang ikalima at huling hakbang ng impeachment complaint sa committee level.
Nauna ng idineklara ng komite na sufficient in form at in substance ang dalawang nalalabing impeachment complaint (step 1 at 2) noong Lunes at Miyerkoles.
Nasa ikatlong step na ngayon ang komite. Naipadala na ang notice kay Duterte upang sumagot sa reklamo sa loob ng 10 araw. Bibigyan ng kopya ng sagot ni Duterte ang mga complainant upang makapaghain ang mga ito ng reply sa loob ng tatlong araw. Maaari namang maghain si Duterte ng rejoinder sa loob ng tatlong araw.
Sinabi ni Luistro na iimbitahan si Duterte sa pagdinig. (Bernard Taguinod/Billy Begas)