Hiningi ng Office of the Ombudsman sa Senate Public Relations and Information Bureau (PRIB) nitong Martes, Mayo 19, ang listahan ng mga miyembro ng media na aktuwal na nag-cover ng barilan sa Senado noong Mayo 13.
Sa liham kay PRIB Director Michael Caber, sinabi ng Ombudsman Field Investigation Bureau-Luzon, ang request form ay bahagi ng fact-finding investigation sa insidente na nagresulta sa lockdown sa Senado mula Mayo 13 hanggang Mayo 14.
Partikular na hiniling ang listahan ng media na nasa loob ng Senado sa oras ng putukan, gayundin ang logbook entries na nagsasaad ng oras ng kanilang pagpasok at paglabas ng gusali.
Hiniling din ng Ombudsman sa Senado na magbigay ng isang sworn certification sakaling hindi available ang hiniling na mga dokumento. Ang mga hinihinging impormasyon ay tatratuhin na may “utmost confidentiality”. (Dindo Matining)
---
Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na posibleng direktang maapektuhan ang Pilipinas sakaling magkaroon ng giyera o malawakang tensyon sa Taiwan.
Sa panayam ng Japanese media nitong Lunes, Mayo 18, sinabi ng pangulo na dahil sa lapit ng Taiwan sa bansa, partikular sa Northern Luzon, hindi maiiwasan maramdaman ng Pilipinas ang epekto ng anumang komprontasyon sa rehiyon.
Giit ng pangulo, mahalagang konsiderasyon din ang kapakanan ng tinatayang 200,000 Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa Taiwan.
Malinaw din aniya ang posisyon ng Pilipinas na umiwas sa anumang digmaan at isulong ang mapayapang resolusyon ng mga tensyon sa rehiyon.
“We certainly do not want to be part of any conflict, anything. But what we do is only to the extent of peacekeeping to the United Nations, not to go with hostile intent to any other place in the world,” ani Marcos.
Giit pa niya, walang isang bansa ang kayang lutasin ang ganitong uri ng isyu nang mag-isa kaya kailangan ang kooperasyon ng lahat ng may interes sa rehiyon.
---
Tuloy ang impeachment trial dumalo man o hindi si Vice President Sara Duterte sa gagawing paglilitis ng Senate impeachment court.
“Kahit hindi siya dumalo (VP Duterte) at maging ang kaniyang defense team, kahit hindi pa mag-file ng answer, the trial will still continue”, pahayag ni Batangas Rep. Gerville Luistro, itinalagang lead House impeachment prosecutor.
Ayon kay Luistro, kung walang maitugon sa mga ebidensya laban sa Articles of Impeachment ang defense team ni VP Sara ay ang prosecution team na ang maghahain ng entry ng “plea of not guilty” sa impeachment.
Aniya, isa itong malaking kawalan kay VP Sara lalo na at matitibay ang ebidensya laban dito.
Sa panig naman ni Manila Rep. Joel Chua, impeachment prosecutor, mayroong opsyon si VP Sara na pumunta, abogado lamang ang papuntahin, o huwag sumali sa impeachment trial.
“The impeachment court issued a writ of summons because the writ of summons, dalawa ang purpose niyan. One is for the vice president to appear before the impeachment court and
the other one for her to submit the answer within 10 days,” ani Chua.
“Well, that depends on the legal strategy of the defense. So that is not for us to decide. Right now, the vice president is not under our consideration to be our hostile witness,” sabi pa ng solon.
Matapos ang pagsusumite ng mga pleadings, sinabi ni Chua na isasagawa ang pre-trial proceedings kung saan tutukuyin ang mga ebidensya at saksi na ipi-prisinta bago ang aktuwal na paglilitis.
“Now, in the event that the vice president did not appear in the impeachment trial or her lawyer did not appear or no answer was submitted, the trial will proceed anyway, and a plea of not guilty will be entered for the vice president,” ayon pa sa solon.
Nitong Lunes ay pormal nang nag-convene ang Senado bilang impeachment court. Nangyari ito matapos mapanatili ni Senate President Alan Peter Cayetano ang pamumuno sa Senado at hindi matuloy ang sinasabing kontra-kudeta na ilulunsad umano ng grupo ng bagong minorya.