Aminado si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nababahala ang kanilang pamilya at maging ang kanilang mga kaibigan sa inaasal ngayon ng nakatatandang kapatid nito na si Senator Imee Marcos kasunod ng mga naging pahayag nit sa publiko kamakailan.
Ayon sa Pangulo, hindi niya nais talakayin ang mga usaping pampamilya sa publiko ngunit kinailangan niyang magsalita dahil sa kanilang kinakaharap.
Iginiit ng Pangulo na ang nakikita at napapanood ng publiko ay taliwas sa tunay na katauhan ng kanyang kapatid, batay na rin sa obserbasyon ng kanilang mga pinsan at kaibigan.
Dahil dito, umiigting ang kanilang pag-aalala at umaasa silang agad na bumuti ang sitwasyon nito.
**
Nasa heightened alert status ang Coast Guard District Central Visayas (CGDCV) bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong Verbena sa rehiyon.
Sa ilalim ng alerto, inatasan ang lahat ng Coast Guard stations, sub-stations, at units sa buong Central Visayas na paigtingin ang monitoring, magsagawa ng readiness checks, at tiyaking naka-standby ang lahat ng rescue assets at response teams para sa agarang pag-deploy.
Naglabas na rin ng travel advisory ang anim na Coast Guard stations sa rehiyon na nagsuspinde ng biyahe para sa lahat ng maliliit na sasakyang-pandagat dahil sa masamang panahon.
Iniulat ng ahensya na, as of 12:00 n.n. ngayong araw, umabot na sa 482 pasahero ang stranded sa iba’t ibang pantalan sa rehiyon, kabilang ang 48 barko, 30 motorbanca, at 105 rolling cargoes.
**
Paiimbestigahan ni Senador Erwin Tulfo ang umano’y pang-aabuso sa Letter of Authority (LOA) na ginagamit umanong money-making scheme ng ilang tauhan ng bureau of internal revenue (BIR).
Sa inihaing Senate Resolution No. 180, inaatasan ang Senate Blue Ribbon Committee na siyasatin ang isyu ng umano’y pangingikil sa loob ng ahensya kung saan maraming mga ulat ang nagsasabing ang LOA ay ginagamit bilang sandata ng ilang tauhan ng BIR para mang-harass o manuhol sa mga negosyo.
Sa BIR, ang Letter of Authority, ang opisyal na dokumento na nagbibigay ng permiso sa mga revenue officer na magsagawa ng tax audit sa isang negosyo o taxpayer.
Sa pulong balitaan, iginiit ni Tulfo, na may mga ulat na ang ilang mga negosyante ay nagbayad na ng buwis ngunit iinspekyunin pa rin ng ilang tauhan ng ahenya.
Pinapatos na rin aniya ang pangingikil sa mga family business o maliliit na grocery store.
Pumapangalawa aniya ang BIR sa tiwaling ahensya ng pamahalaan, sumunod sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
**
Pormal na itinurnover ng Department of Energy (DOE) sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang isang Solar-Assisted Electric Vehicle Charging Station (EVCS) nitong Lunes, Nobyembre 24.
Pinangunahan ito ni DOE Undersecretary Mario Marasigan, habang tinanggap naman ng SBMA Deputy Administrator Engr. Marco Estabila, ang naturang programa.
Ang proyekto, na binuo sa ilalim ng Government Energy Management Program (GEMP), ay nagsisilbing renewable energy para suportahan ang lumalawak na electric vehicle ecosystem sa bansa.
Layunin nitong palawakin ang EV infrastructure, bawasan ang greenhouse gas emissions, at hikayatin ang paggamit ng electric vehicles sa Subic Bay Freeport Zone.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin sa mensaheng ipinaabot ni Marasigan, ang proyekto ay patunay ng partnership, innovation, at pagtutulak tungo sa low-carbon at energy-secure para sa mas malinis na transportasyon sa Pilipinas.