Personal na binisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang NING*NING 6.55-megawatt Solar Rooftop Project na matatagpuan sa Naic, Cavite.
Ang nasabing proyekto ay itinuturing na kauna-unahang grid-connected, utility-scale solar rooftop system na naipatayo sa loob mismo ng isang socialized housing community.
Sa pamamagitan ng proyektong ito, ang bawat bubong ng mga kabahayan sa komunidad ay ginagamit bilang isang solar power generator.
Ang kuryenteng nalilikha ay diretsong inilalabas at ikinakabit sa national grid, na nag-aambag sa pangkalahatang suplay ng kuryente sa bansa.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ng Pangulo na bukod sa pagbibigay ng solar power, ang proyekto ay inaasahang lilikha rin ng karagdagang kita para sa komunidad.
Ang pondong malilikom ay maaaring gamitin upang suportahan at mapanatili ang iba’t ibang serbisyo sa komunidad, tulad ng pagkukumpuni ng mga bubong ng kabahayan, pagpapailaw sa mga kalsada, maayos na waste management, at pagpapanatili ng mga shared solar facilities.
Tiniyak din ng Pangulo na mananatili ang suporta ng kanyang administrasyon para sa mga makabago at de-kalidad na proyekto sa renewable energy.
----
Muling nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay dating Congressman Zaldy Co at sa iba pang akusado na sumuko na at harapin ang kanilang kaso.
“Sa lahat ng natitirang akusado, ang aking payo sa inyo ay sumuko na kayo. Huwag niyo nang antayin na habul-habulin pa kayo. Mas maganda para sa sitwasyon ninyo na sumuko na kayo para maganda ang inyong pagsagot sa mga alegasyon na dinala kontra sa inyo,” saad ng Pangulo.
Hinamon din ng Pangulo si Co na umuwi ng bansa at patunayan ang kanyang mga bintang na tumanggap siya ng P50 bilyon kickback sa flood control projects.
Sinabi ni Marcos na mahaba na ang naging usapan tungkol sa fake news at kahit sino ay maaaring magsalita sa online subalit kung titingnan ang kalidad ng pahayg ni Co ay paulit-ulit lamang.
Giit ng Pangulo, para magkaroon ng kahulugan ang mga sinasabi ni Co ay dapat itong umuwi harapin ang mga kaso nito sa korte.
“For it to mean something, umuwi siya rito, sabihin niya malalaman naman ng tao ‘yan. Patunayan niya. Come home, bakit ka nagtatago sa malayo? Ako hindi ako nagtatago e, kung may akusasyon sa akin, nandito ako,” sabi ni Marcos.
“Umuwi sya dito harapin ang mga kaso nya kung meron sabihin, sabihin nya malalaman naman ng tao yan e, come home, come home, ba’t ka nagtatago sa malayo..,’’ pahayag pa ni Marcos.
Hamon pa ni Marcos gawin ito ni Co para maging patas lang.
------
Nag-alok ang Department of Justice (DOJ) ng P1 milyon na pabuya para sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng puganteng si Cassandra Li Ong.
Aminado ang DOJ na nananatiling mahirap matunton si Ong, kahit kanselado na ang pasaporte at may warrant of arrest kaugnay ng kasong qualified human trafficking na may koneksiyon sa sinalakay na POGO hub ng Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.
Kinumpirma ni Acting Justice Secretary Fredderick¬ Vida ang pag-aalok ng pabuya, lalo pa’t wala pang malinaw na impormasyon kung nasa Pilipinas pa si Ong. Ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission, huli siyang na-track sa Japan.
Hindi rin isinasantabi ng DOJ ang posibilidad na nakalabas siya ng bansa sa backdoor, dahil walang rekord sa Bureau of Immigration ng anumang opisyal na departure niya. Paliwanag ni Vida, bahagi ito ng kanilang crowdsourcing initiative upang makahingi ng tulong mula sa publiko.
Kinumpirma rin ng DOJ na may Red Notice na si Ong, na nangangahulugang nakaalerto ang Interpol at may internasyonal na abiso hinggil sa kanyang pag-aresto o imbestigasyon.