Skip to content

November 27 - 6 am NEWS

November 27 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Nov 27, 2025 | 6:30 AM

Inaprubahan ng House Committee on Ways and Means, na pinamumunuan ni Rep. Miro    Quimbo ng Marikina City (2nd District), ang substitute bill na magpapalawig sa Estate Tax Amnesty.

Saklaw ng panukala ang mga ari-ariang naiwan ng mga pumanaw hanggang Disyembre 31, 2024, at pinalalawig ang panahon ng pag-aavail hanggang Disyembre 31, 2028. Papayagan ang pagbabayad nang walang penalty, surcharge, o interes, at maaari ring hulugan nang hanggang dalawang taon.

Ayon kay Quimbo, ang pagpapalawig ay magbibigay sa pamilya ng mas mahabang panahon at mas simple at abot-kayang proseso upang ayusin ang matagal nang hindi nababayarang estate taxes at mapasakanila ang titulo ng mga minanang ari-arian.

**

Tiniyak ng Bureau of Internal Revenue na hindi mahihinto ang kanilang imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.

Ayon mismo kay Comm. Charlito Martin Mendoza, patuloy pa rin nilang iimbestigahan ang mga kumpanyang posibleng dawit rin sa kontrebersiya.

Masusi aniyang titingnan ng kawanihan ang mga ito na maaring tinakasan rin ang tamang pagbabayad ng kaukulang buwis.

Ito’y kasunod nang kanilang ihain ang ika-12 reklamong kriminal sa Department of Justice kontra mga indibidwal sangkot sa flood control scandal.   Kung kaya’t ani Comm. Mendoza, makaseseguro umano ang publiko na ang lahat ng hinihinalang dawit ay kanilang hindi isasantabi bagkus ay sisilipin.

****

Ibinahagi ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos ang kopya ng kanyang liham sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) bilang tugon sa alegasyon ni dating Rep. Elizaldy Co.

Sa naturang liham, iginiit ni Marcos na wala siyang itinatago at handa siyang humarap sa anumang imbestigasyon kaugnay ng kontrobersyal na proyekto.

Aniya, bukas siyang magbigay-linaw sa komisyon at makiisa sa kanilang pagsusuri upang maprotektahan ang integridad ng Kongreso.

Matatandaang si Co ay kabilang sa mga personalidad na nag-ugnay sa ilang mambabatas sa umano’y “ghost projects” sa flood-control at iba pang infrastructure programs.