Muling ipatutupad ng Senate Impeachment Court ang Rule 18 o sub judice rule sa lahat ng articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, kabilang ang mga artikulong nauna nang inurong ng prosekusyon.
Sa bagong ruling ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ngayong araw, muling iniutos ng impeachment court sa lahat ng partido na iwasang maglabas o magpahayag sa publiko ng mga usapin na may kinalaman sa merito ng lahat ng artikulo, nakabinbin man ito o binawi na.
Ito kay kasunod ng manipestasyon na inihain ng depensa noong November 4, kung saan iginiit ng kampo ni Duterte na hindi nito isinusuko ang Rule 18, at dapat itong panatilihin upang mapangalagaan ang integredad ng paglilitis at mga karapatang konstitusyonal ng bise Presidente.
Sa ilalim ng Rule 18, hindi dapat magbigay ng pampublikong komento o maglabas ng impormasyon tungkol sa merito ng nakabinbing impeachment trial ang lahat ng panig ng senator-judges, prosekusyon, defense team maging ang kanilang mga abogado.
**
Mananatili sa limang taon ang termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) matapos pagtibayin ng Supreme Court (SC) ang konstitusyonalidad ng batas na nagpapahaba sa kanilang panunungkulan.
Ibinasura ng Kataas-taasang Hukuman ang petisyong inihain ni election lawyer Atty. Romulo Macalintal laban sa Republic Act No. 12326, na nag-amyenda sa dating apat na taong termino ng mga halal na opisyal ng barangay at SK.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Rodil Zalameda, ipinaliwanag ng Korte na ang naturang batas ay nagtatakda ng haba ng panunungkulan ng mga opisyal at hindi lamang basta nagpapaliban sa halalan.
Dahil dito, sa Nobyembre 2028 na gaganapin ang susunod na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE). Pagkatapos nito, kada limang taon na isasagawa ang mga susunod na halalan.
Matatandaang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang RA 12326 noong Setyembre 24, 2026. Sa ilalim ng batas, mula apat na taon ay naging limang taon ang termino ng mga opisyal ng barangay at SK, dahilan upang mailipat sa Nobyembre 2028 ang halalang nakatakda sana ngayong Nobyembre 2026.
**
Nakatakdang bumisita ng bansa ang Hollywood icon na si Angeline Jolie bilang isa sa mga tagapagsalita sa gaganaping 2026 ASEAN Inclusive Growth Summit sa darating na Nobyembre 11.
Magiging bahagi ang Academy Award-winning actress sa mga tampok na tagapagsalita sa nasabing pagtitipon na dadaluhan naman ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor upang pagdiskusyunan ang ekonomiya sa Timog-Silangang Asya.
Kilala si Jolie sa kaniyang pangkawanggawang adbokasiya lalo na ang kampanya nito para sa proteksyon ng kababaihan at kabataan, kabilang ang adbokasiya nito para sa mga bakwit o refugees.
Noong 2001 hanggang 2012, nanilbihan din ang Hollywood actress bilang Goodwill Ambassador para sa United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR) bago ito matalaga bilang Special Envoy.