Skip to content

October 26 - 7 am NEWS

October 26 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Oct 26, 2026 | 8:43 AM

Iginiit ni impeachment court presiding officer Francis “Chiz” Escudero na nananatili siyang walang kinikilingan sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

“Wala pa akong decision. Hindi pa ako nakakapagpasya,” giit ni Escudero sa isang podcast interview.

Kinilala niya ang mga reklamo ng mga prosecutor na tila mas mahigpit siya sa kanilang panig ngunit ipinaliwanag niyang nasa prosekusyon ang pasanin ng pagpapatunay sa kanilang mga alegasyon.

Ayon kay Escudero, pareho ring pamantayan sa pagtatanong at paglalahad ng ebidensiya ang ipatutupad sa depensa.

Inamin din ni Escudero na may mga alalahanin tungkol sa posibleng pagkiling o pagiging “bias” ng ilang senator-judges sa impeachment trial ni Duterte.

Gayunman, sinabi ni Escudero na mas nanaisin niyang hayaang magtanong at magpahayag ang mga senador kaysa labis na limitahan ang kanilang mga interbensiyon sa paglilitis.

“Hindi ako nagkukulang sa paalala na dapat nakabatay sa batas, ebidensiya,” ani Escudero.

---

Kinuwestiyon ni Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab ang pagbabawas ng Kamara de Representantes ng P131.5 bilyon sa foreign-assisted projects sa panukalang 2027 national budget sa ikatlong pagbasa.

Ayon kay Ungab, bumaba sa P255.8 bilyon mula sa P387.3 bilyon ang kabuuang pondo para sa mga proyektong ito, o katumbas ng isa sa bawat tatlong piso.

Pinakamalaki umanong tinamaan ang Department of Public Works and Highways (DPWH), na nawalan ng P73.8 bilyon o 64% ng foreign-assisted budget nito.

Ayon sa kanya, hindi maliliit na item ang binawasan kundi ang mga flagship project na pinondohan ng mga dayuhang katuwang.

Kabilang sa mga binawasan ang Laguna Lakeshore Road Network: P27 bilyon (mula P35.2 bilyon, naging P8.2 bilyon na lang); Bataan-Cavite Interlink Bridge: P14 bilyon; Cebu-Mactan Bridge and Coastal Road: P6 bilyon; Davao City Bypass: P5.5 bilyon at Pasig-Marikina River Channel Improvement: P5.5 bilyon

Aabot sa P58 bilyon ang kabuuan ng limang proyektong ito, o halos 8 sa bawat 10 pisong tinapyas sa DPWH, ayon kay Ungab. Dagdag niya, may loan agreement ang bawat isa sa JICA, ADB, AIIB o EDCF ng Korea.

Ikinagulat din ni Ungab na kasama sa binawasan ang mga flood control project na may masterplans sa gitna ng galit ng publiko sa isyu. (Issa Santiago/Billy Begas)